Hidilyn Diaz
Hidilyn Diaz

Ni ANNIE ABAD

MAY nalalabi pang lakas sa mga bisig ni Hidilyn Diaz.

Humakbang ang kampanya ng 26-anyos na pambato ng Zamboanga City para muling makwalipika sa 2020 Tokyo Olympics nang magwagi ng bronze medal sa women’s 53kg division ng 2017 International Weightlifting Federation (IWF) World Championship nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Anaheim, California.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Pumuwesto ang 2016 Rio Olympics silver medalist sa ikaanim sa snatch sa mabuhat na 86 kg., ngunit nakabawi ang St. Benilde masteral student sa clean and jerk sa nabuhat na 113kg para sa kabuuang bigat na 199kg para sa bronze medal.

Kaagad na nagpadala ng pagbati kay Diaz si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

“Once again, Hidilyn makes us proud to be a Filipino. Patunay ito na hindi siya humihinto para sa katuparan ng kanyang pangarap na magwagi ng gintong medalya sa Olympics,” pahayag ni Ramirez.

Iginiit ni Ramirez na ‘all-out’ ang suporta ng pamahalaan kay Diaz at nakahandang ipagkaloob ng PSC ang lahat ng pangangailangan niya sa training.

“Malaki ang tsansa natin sa weightlifting. Magpapatuloy tayo sa pagbibigay ng suporta sa kanya hanggang makarating uli siya sa Olympics sa Tokyo sa 2020,” aniya.

Nakopo ni Sopita Tanasan ng Thailand ang gintong medalya nang pangunahan ang snatch at clean and jerk para sa kabuuang bigat na 201kg, habang nasungkit ni Kristina Shermetova ng Turkmenistan ang silver medal sa nabuhat na 204kg.

Pumangalawa si Diaz kay Tanasan, bumuhat ng 114kg., sa clean and jerk. Nanguna rin si Tanasan sa snatch sa bigat na 96kg, para gapiin si Rio Olympics gold medalist Hsu Shu-Ching ng Chinese Taipei, na may nabuhat na 93kg.

Hindi na nakapagpatuloy sa laban si Hsu nang magtamo ng injury sa kanang siko bago ang pagsabak sa clean and jerk.

Nakapaguwi rin si Diaz ng silver medal sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games nitong Setyembre.