TUMINDI pa ang pangamba ng mundo sa pagkawasak na maaaring idulot ng nukleyar na armas nitong Miyerkules sa huling ballistic missile test ng North Korea.

Ang bagong missile, ang Hwasong-15, ay bumagsak may 950 kilometro lamang sa karagatan sa may kanluran ng pangunahing isla ng Japan, ang Honshu. Subalit pinakawalan ito sa paitaas na anggulo at umabot sa taas na 4,475 kilometro bago bumagsak sa dagat. Sakaling ang tinumbok nito ay ang karaniwan nang trajectory, maaaring umabot ito sa distansiyang 13,000 kilometro, sapat upang masapul ang anumang pangunahing siyudad sa Amerika, ayon sa isang Western expert.

Matapos ang missile test, buong pagmamalaking inihayag ng pinuno ng North Korea na si Kim Jong-Un na “[it had] now finally realized the great historic cause of completing the state nuclear force”. Maikli naman ang sagot dito ni United States President Donald Trump nang humarap sa isang press conference sa White House. “I will only tell you that we will take care of it. It is a situation that we will handle.”

Ilang beses nang sinabi ng Washington na nakalahad ang “all options”, kabilang ang pag-aksiyon ng militar, sa pagtugon ng Amerika sa North Korea. Kaya naman ilang bansa ang nagpahayag ng pangamba sa posibilidad na bigla na lamang ipag-utos ni President Trump ang isang “preemptive strike” upang wasakin ang mga lugar na pinag-iimbakan ng mga missile.

Sinabi ni South Korea President Moon Jae-In: “We must stop a situation where North Korea miscalculates and threatens us with nuclear weapons or where the United States considers a preemptive strike.” Nagpahayag naman ang China, ang pangunahing kaalyado ng North Korea, ng “grave concern” sa missile test at nanawagan sa magkabilang panig na maging maingat sa kanilang mga hakbangin. Hinimok naman ng Russia ang Amerika at North Korea na manatiling mahinahon.

Ang gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, ay nagpahayag din ng matinding pagkabahala sa mga nagaganap sa Korea. Bilang outgoing chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), binigyang-diin ng Pilipinas ang kahandaan ng ASEAN na maibsan ang tensiyon at maibalik ang kapayapaan sa rehiyon.

Mayroon tayong espesyal na dahilan upang mangamba. Sa kasalukuyan ay mayroong 65,000 Pilipino na nakatira sa South Korea at 242,000 sa Japan. Sakaling sumiklab ang kaguluhan, kabilang sa malalagay sa hindi birong panganib ang mga Pilipinong ito.

Subalit higit pa sa panganib sa Korean Peninsula at sa Japan, ang palitan ng bantang nukleyar ng North Korea at Amerika ay magkakaroon ng kahindik-hindik na epekto sa mundo. Sa pamamagitan ng nuclear radiation, halos buong mundo ay hindi na maaaring panirahan ng mga may buhay.

Ang pinakamatinding pagkawasak ay kakamtin ng mga pangunahing bansang sangkot sa kaguluhan — ang North Korea at ang Amerika. Kaya naman sa dalawang bansa nananawagan ang buong mundo para parehong huminahon, maging maingat, at manindigan sa katwiran sa panahong ito ng matinding panganib para sa lahat ng nasa planeta.