Inihayag ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) kahapon na wala nang bidding para sa reconstruction ng Marawi City, Lanao del Sur na winasak ng digmaan, at sa halip ang mga panukala ay isasalang sa Swiss challenge.
Ito ay matapos ipahayag ng TFBM na ang Post-Conflict Needs Assessment (PCNA), sinuspinde dahil sa presensiya ng ilang stragglers sa main battle area, ay binigyan ng pahintulot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpatuloy.
Sinabi ni Housing and Urban Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chairperson Eduardo del Rosario na nag-imbita ang TFBM ng developers para makita ang lugar.
“We are not going to conduct bidding. Ang ginawa natin dito, we called all probable developers, big-time developers, foreign and national, [and] we allowed them to see the most affected area,” aniya sa TFBM press briefing sa Malacañang kahapon.
Ayon kay Del Rosario, magsusumite ang inimbitahang developers ng kanilang unsolicited proposals na ipipresinta sa Cabinet, na siyang magdedesiyon kung alin ang pinaka- applicable sa Marawi City at sasailalim sa Swiss challenge.
“Kasi dapat makita natin dito na talagang at the end of the day, it’s a new city, lalo na ‘yung central business district at talagang mapaganda natin, hindi lang better but much, much better,” dagdag niya.
Ang unsolicited proposal o bid ay isang written application para sa bago o innovative idea na isinumite upang makakuha ng kontrata sa gobyerno.
Ang Swiss challenge naman ay isang uri ng public procurement kung saan sa ilalathala ng pamahalaana ang unsolicited bid o proposal para tapatan o higitan ng third parties.
Ayon kay Del Rosario, mas mapapabilis ang pagsisimula ng rehabilitasyon ng Marawi City sa pamamagitan ng Swiss challenge.
“So parang mas better ito at mas mabilis na gawing proseso instead of bidding. But instead we will go to the mode of Swiss challenge. Parang bidding din pero faster and better,” aniya.
Kinondena ni Duterte ang lowest-bid type of procurement na aniya ay nagsusulong ng kurapsiyon.
Samantala, sinabi ni Del Rosario na hihintayin nila ang assessment ng National Economic and Development Authority (NEDA) bago alalahanin ang budget para sa pagbangon ng lungsod na inilugmok ng digmaan.
Ito ay matapos maglaan ang Kongreso nitong Huwebes ng P10-bilyon budget para sa reconstruction ng Marawi City sa kabila ng pahayag ni Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra na halos P90 bilyon ang kailangan para rito.
“The final [cost] will come from NEDA and that will be the official costing that will be required to rehabilitate based on NEDA assessment kasi mga technical experts ang gagawa nito,” ani Del Rosario. - Argyll Cyrus B. Geducos