Ni MARY ANN SANTIAGO

Sugatan ang dalawang magkapatid na seaman nang sumalpok sa cement mixer ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Pinangangambahang hindi na muna makasakay ng barko ang isa sa mga biktima na si Ramshear Ramirez, 22, nang magulungan ng cement mixer ang kanyang mga paa na naging sanhi ng halos pagkaputol nito.

Nagtamo naman ng mga sugat sa paa at bali sa braso ang kanyang kapatid na si Amver Ramirez, 21.

National

'Carina,' patuloy sa paglakas; Signal No. 2, nakataas sa Batanes

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang driver ng truck na si Jerry Techon.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Traffic Section, naganap ang aksidente sa San Marcelino Street, kanto ng United Nations Avenue sa Ermita, bago mag-5:00 ng madaling araw.

Sakay sa motorsiklo ang magkapatid at patawid sana sa San Marcelino nang sumalpok sa cement mixer na tumatawid naman ng United Nations Avenue.

Ayon kay Techon, mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya pumailalim ito sa kanyang truck nang magkasalpukan sa intersection.

“Naka-green light ako. Bigla na lang may lumagapak sa harap ko,” ani Techon.

Ayon naman sa isang testigo, mabilis din ang takbo ng truck nang maganap ang aksidente.