(Ikalawang bahagi)
ni Clemen Bautista
NAGING kasapi rin ng Katipunan si Gregoria de Jesus matapos ikasal kay Andres Bonifacio. Gumamit siya ng sagisag na “Manuela Gonzaga” upang makaiwas sa pagdakip ng mga kaaway. Sa kanyang pag-iingat ipinagkatiwala ang mahahalagang dokumento ng Katipunan, mga baril at iba pang kasangkapan.
Naging kasa-kasama siya ni Bonifacio sa maraming labanan at hindi niya iniwan, kasama ang isa pang kapatid ni Bonifacio, ang ating bayani hanggang sa ipapatay sa Mount Buntis sa Maragondon, Cavite noong Mayo 10, 1897.
Nagbunga ng isang sanggol na lalaki ang pagmamahalan nina Bonifacio at De Jesus. Bininyagan nila ito sa pangalang Andres. Naging ninong si Dr. Pio Valenzuela, isa sa matapat na kasapi ng Katipunan at siyang inatasan ng Dakilang Proletaryo na pumunta sa Dapitan at himukin si Dr. Jose Rizal na maging “honorrary member” ng Katipunan. Ang anak nina Bonifacio at De Jesus ay hindi rin gaanong nagtagal ang buhay. Namatay ang bata dahil sa bulutong.
Naging matapat man ang pag-ibig ni Bonifacio kina Monica at De Jesus, ang pagmamahal naman na iniukol niya sa bayan ang masasabing pinakadakila at pinakamarubdob.
Bagamat lalong kilala si Bonifacio sa pagiging rebolusyonaryo kaysa pagiging manunulat, mababakas sa kanyang mga isinulat ang pag-ibig niya sa ating bayan. Isang halimbawa nito ay ang isinasaad ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”. Ito’y isang paglalagom ng kasaysayan ng Pilipinas. Binanggit dito ang kaunlarang dinanas ng Pilipinas bago dumating ang mga Kastila. Ang pakikipagkalakalan sa Japan, China at iba pang kalapit-bansa. Ang kalayaan ng pamahalaang Pilipino.
Isinalaysay din sa akdang nabanggit na ang pagdating ng mga Kastila sa Pilipinas ay nagpabago sa pamumuhay ng mga Pilipino na halos lahat ay naging kapakinabangan ng mga Kastila hanggang sa nagmalabis ang mga prayle, ang mga nasa gobyerno at ang mga enkomendero.
Ayon kay Bonifacio, “panahon na ngayong dapat lumitaw ang liwanag at katotohanan. Panahon nang dapat ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam. Panahon na ngayong simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon nang dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan...Kaya, idilat natin ang bulag na kaisipan at kusang gugulin sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtatagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan”.
Hindi lamang sa mga sanaysay ipinakilala ni Bonifacio ang wagas at dakilang pag-ibig sa bayan. Maging sa mga tulang kanyang isinulat ay maliwanag na mababakas ang maalab niyang pagmamahal sa Lupang Tinubuan. Sa bayang binusabos ng mga dayuhan.
Isang halimbawa nito ay ang isinasaad ng kanyang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,” isang tulang katulad ng kay Marcelo H. del Pilar na nagsasaad ng marubdob na pagamamahal sa bayan. Nagpapakilala na ang pinakadakila sa lahat ng pag-ibig ay ang pag-ibig sa bayan. Ang tulang ito ni Bonifacio ang nakilala sa lahat ng kanyang mga isinulat.
Mapait ang naging kamatayan ng Dakilang Proletaryo subalit ang nagawa niya sa Himagsikan ay naging magandang larawan ng ating Perlas ng Silangan. Masasabing si Bonifacio ang ibong “Phoenix” na nagkatawang-tao sa abo ni Elias sa “Noli Me Tangere” ni Dr. Jose Rizal na waring nagsabi rin ng “Ako’y mahinang-mahina. Ako’y nasugatan...dalawang araw na ngayong ‘di ako kumakain at umiinom”. At katulad ni Elias, ang Dakilang Proletaryo ay waring humarap din sa Silanganan at bumulong na waring nagdarasal. “Mamamatay akong ‘di nakita ang maningning na bukang-liwayway sa aking Inang Bayan. Kayong makakakita, batiin ninyo siya at huwag kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!”