Fer Taboy at Niño Luces
Naaresto ng pulisya ang isang bise alkalde, dalawang barangay kagawad at lima pang indibiduwal makaraang salakayin ang isang ilegal na sabungan sa bayan ng Oas sa Albay, nitong Bonifacio Day.
Sinabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, hepe ng Investigation Division ng Albay Police Provincial Office (APPO), na nahuli sa aktong nagsasabong sa Calzada Cockpit Arena sa Oas si Vice Mayor Antonio Yuchongco; sina Pedro Toca at Jason Robas, kapwa kagawad ng Barangay Iraya Norte; at lima pang indibiduwal.
“Nung nalaman ng chief of police ng Oas PNP na mayroong operasyon ng sabong doon sa Cockpit Arena, humingi kaagad sila ng back-up sa Albay PPO, para i-operate ‘yung sabungan na ‘yun. Although legal ‘yung sabungan, pero ‘yung pagsasabong ‘pag holiday ay bawal,” paliwanag ni Gomez.
Holiday sa buong bansa nitong Huwebes bilang paggunita sa ika-154 na anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Katipunan na si Andres Bonifacio.
“Una nang nagpaalala ang provincial director (Albay PPO director Senior Supt. Antonino Cirujales) natin sa PNP na hulihin ang sinuman na nagsasagawa ng sabong sa mga araw ng holidays, dahil ipinagbabawal ito ng batas, lalo pa na kahapon ay Bonifacio Day. ‘Yung mga chief of police naman na papayagan ang mga ganitong bagay, ire-relieve sa puwesto,” dagdag pa ni Gomez.
Sinabi ni Gomez na na-inquest na ang walong naaresto, na pawang napiit sa himpilan ng Oas Police.
Nakumpiska sa sabungan ang ilang manok na panabong, cockfighting paraphernalia, at mga perang taya.