NATUKLASAN sa bagong report mula sa International Labor Organization (ILO) na inilabas ngayong linggo na sa kabila ng mahalagang progreso ay matinding pagpupursige pa rin ang kinakailangan upang matiyak na magiging realidad para sa mamamayan sa maraming panig ng mundo ang karapatan sa pagkakaroon ng seguro.

Tinukoy sa ulat ang mga bansang nagawang magkaroon ng universal pension coverage, subalit nagbabala na ang antas ng benepisyong ito ay kadalasang mababa at hindi sapat upang mapaginhawa ang mga pensiyonadong mahihirap.

Binigyang-diin sa report na ang karapatan ng bawat tao sa pagkakaroon ng seguro ay hindi pa rin nasasaklawan ang malaking bahagi ng pandaigdigang populasyon.

“The lack of social protection leaves people vulnerable to ill-health, poverty, inequality and social exclusion throughout their lifecycle,” sabi ni ILO Director-General Guy Ryder sa United Nations media briefing.

“Denying this human right to four billion people worldwide is a significant obstacle to economic and social development,” aniya.

Tanging 45 porsiyento ng pandaigdigang populasyon ang epektibong nasasaklawan ng isang social benefit, ayon sa report ng ILO, ang “World Social Protection Report 2017/19: Universal social protection to achieve the Sustainable Development Goals”.

Ang natitirang 55 porsiyento, o apat na bilyong katao, ay walang seguro.

Nadiskubre rin sa pag-aaral na 29 na porsiyento lamang ng pandaigdigang populasyon ang mayroong kumprehensibong social security—napakaliit na bahagdan kumpara sa 27 porsiyento noong 2014-2015.

Ang 71 porsiyento, o 5.2 bilyong katao ay walang proteksiyon ng seguro.

Inirekomenda ng ulat ang higit na paggastos ng publiko sa pagkakaroon ng seguro upang mapalawak ang saklaw ng social protection, partikular sa Africa, Asia, at sa mga bansang Arabo.

Ang mga bansang may universal pension coverage ay kinabibilangan ng Argentina, Belarus, Bolivia, Botswana, Cabo Verde, China, Georgia, Kyrgyzstan, Lesotho, Maldives, Mauritius, Mongolia, Namibia, Seychelles, South Africa, Swaziland, Timor-Leste, Trinidad and Tobago, Ukraine, Uzbekistan, at Zanzibar, Tanzania.

Gayunman, nakasaad sa ulat na, “The adequacy of pension benefits remains a challenge in many countries.” - PNA