Patay ang isang lalaki habang naospital ang 15 nitong kapitbahay nang malason matapos umanong painumin ng kemikal na pang-embalsamo, na inakalang alak, sa isang birthday celebration sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.
Makalipas ang ilang araw na pamamalagi sa ospital, namatay si Jonathan Ravela, 21, dahil sa acute respiratory failure habang patuloy na inoobserbahan sa Ospital ng Sampaloc ang tatlo niyang kapitbahay matapos mahilo, magsuka, sumakit ang katawan at manlabo ang mga mata.
Sa ulat ni PO1 Danilo Cabigting, ng Manila Police District (MPD)- Station 4, naganap ang insidente noong Nobyembre 21 ngunit kamakalawa lamang ito iniulat sa pulisya.
Una rito, nakatanggap ang isang Joenald Alfaro ng isang galong “alak” mula sa isang kaibigan ng kanyang kinakasama na si Maria Angelika Pilapil, bilang regalo umano dahil magdiriwang na ito ng kaarawan.
Sinabi pa umano ng babae na imported ang alak kaya hindi nila kabisado ang lasa nito.
Ininom ng magkakapitbahay ang naturang alak, at ginamit na “chaser” ngunit hindi nila akalain na isa pala itong uri ng kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo at gasolina ng mga pangarerang sasakyan.
Kinabukasan ay nahilo, nagsuka at sumakit ang katawan ng mga biktima kaya sabay-sabay silang isinugod sa ospital.
Dito natuklasan ng mga doktor na methanol poisoning ang nangyari sa mga biktima.
Kaugnay nito, kasalukuyang tinutugis si Pilapil gayundin ang kanyang ‘di pa nakikilalang kaibigan. - Mary Ann Santiago