BAGAMAT 1971 pa nangyari ang istorya ng bagong pelikula ni Steven Spielberg na The Post, ang tema nito tungkol sa press freedom ay mainit na isyu pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Nagmadali si Spielberg na mukunan at mailabas ang pelikula ngayong taon. Tungkol ito sa pakikipaglaban ng mga pahayagan na mailathala ang nag-leak na Pentagon Papers na detalyadong dokumento sa misleading portrayal ng U.S. government sa Vietnam War.
“I just felt that there was an urgency to reflect 1971 and 2017 because they were very terrifyingly similar,” sabi ng Oscar-winning director sa Hollywood audience mpagkatapos ng screening ng pelikula nitong Lunes.“Our intended audience are the people who have spent the last 13, 14 months thirsting and starving for the truth,” ani Spielberg. “They are out there, and they need some good news.”
Pinagbibidahan ni Meryl Streep bilang ang namayapang si Washington Post publisher Katharine Graham at ni Tom Hanks bilang ang namayapang editor na si Ben Bradlee, ang The Post ang ginawaran ng parangal nitong Lunes bilang best film of 2017 ng National Board of Review, isang New York-based 100 year-old group ng academics, filmmakers at professionals.
Tinanghal na best actress si Meryl at si Tom naman bilang best actor, kaya ngayon pa lang ay nakaposisyon na ang pelikula bilang front-runner sa Oscars.
Hindi binanggit ni Spielberg, prominenteng Hollywood Democrat, si U.S. President Donald Trump sa kanyang talumpati. Ngunit ipapalabas ang The Post sa mga sinehan ngayong Disyembre habang na paulit-ulit na inaatake ni Trump ang media simula nang mahalal siya noong Nobyembre 2016.
Tinawag ni Trump ang press na “the enemy of the American people.” Ginamit niya ang mga terminong “fake news” para pagdudahan ang news reports na kritikal sa kanyang administrasyon, at kadalasan ay hindi nagbibigay ng ebidensiya para suportahan ang kanyang mga bintang.
Sinabi ni U.S. Attorney General Jeff Sessions nitong Agosto na pinag-iisipan ni Trump na obligahin ang mga mamamahayag na ibunyag ang kanilang sources sa gitna ng kampanya nitong mapigilan ang paglabas ng mga impormasyon sa press.
Inilalahad sa pelikula ang proseso ng mga pagdedesisyon ng New York Times at Washington Post nang ilathala ang top-secret na Pentagon Papers tungkol sa Vietnam War sa gitna ng injunctions ng Nixon administration sa laban na nakarating sa U.S. Supreme Court.
Sinabi ni Spielberg na bago niya ginawa ang pelikula, siya ay, “really depressed about what was happening in the world and the country.”
Nang mapasakamay ang script noong Pebrero, “suddenly my entire outlook on the future brightened overnight,” aniya.
Kinunan ang The Post nitong Hunyo at magbubukas sa mga sinehan sa U.S. sa Disyembre 22. - REUTERS