Ni Ernest Hernandez

SA edad na 31-anyos, animo’y bagong hasang tabak si Jayson Castro ng TNT Katropa na handang manugat ng karibal tulad nang naging kampanya sa panalo ng Gilas Pilipinas kontra Chinese Taipei sa FIBA World Cup Qualifying round nitong Nobyembre 27.

castro copy copy

Nasungkit ng Gilas ang ikalawang sunod na panalo, ngunit, hindi nagbigay nang kanyang mensahe ang bayani ng laro nang diretso itong umalis sa playing venue at hindi na dumalo sa media post-game interview.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

May dahilan si Castro. Iniinda pa rin niya ang injury na nakuha niya bago pa man din sumabak ang Gilas sa unang laban kontra Japan sa Tokyo.

“Actually, before the tournament, may back spasms ako,” pahayag ni Castro.

“Kaya after game, kailangan kong maraming stretch para mawala. At least, natapos na. Balik na kami sa mother team namin. Siguro rest ng kaunti then training ulit.”

Ilang ulit na ring nagretiro si Castro sa Gilas, ngunit ang kagustuhang mabigyan ng karangalan ang bansa ang nagtutulak sa kanya na muling makipaglaban.

Subalit, masakit na katotohanan na kailangang niyang magpursige laban sa mas bata at determinadong mga karibal na pawang naghahangad din ng panalo para makausad sa Olympics at FIBA World Cup.

“Gusto ko lang maglaro para sa bayan at makapasok sa FIBA world cup at pinapangarap nating Olympics,” sambit ni Castro.

Iginiit naman ni ‘The Blur’, tawag ng mga tagahanga kay Castro, na kulang ang determinasyon ng Gilas sa kanilang unang laro laban sa Japan.

“Lahat kami gigil. Sinabihan kami ni coach na kalma lang like nung game naming vs Japan. Siguro dahil na rin sa home crowd,” sambit ni Castro.

“Masyado lang kami naging confident na kayang-kaya namin. Yun nga, parang noong first quarter, yung mga easy pass ginagawa naming maganda kaya masyadong nawawala ang bola sa amin,”aniya.

Iginiit ni Castro na ang bagong format ng FIBA – home and away – ay nagbibigay ng pagkakataon para sa isang koponan na makagawa ng pagbabago sa istratehiya para sa susunod na laban.

“Sobrang importante, kasi yung format ngayon, napaka-hirap. Every game counts, once natalo ka, may chance ka rin malaglag sa top 3,” pahayag ni Castro.

“Going to this game din, kahit anong mangyari. Basta manalo tayo even na masama ang first half namin, buti gumanda nung second half. Pero, marami kaming natutunan sa game na ito,” aniya.

Laban sa Taiwanese, kumura si Castro ng 20 puntos, apat na assists at apat na rebounds.