TARGET ng Philippine Sports Commission (PSC) na maorganisa ang kabuuang 40,000 kabataan para sa magkakasabay na paglulunsad ng Children’s Games sa 40 lungsod at lalawigan sa bansa sa Nobyembre 20 bilang pagdiriwang sa 2018 World Children’s Day.

psc copy

Iginiit ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na mabigat na responsibilidad ang nakatakda nilang isakatuparan, subalit kumpiyansa siyang sa tulong ng mga kapwa opisyal at mga local executives maipapatupad ang naturang programa.

“Forty simultaneous Children’s Games with 1,000 children in each area, mabigat ito. If we do this every year, we will reach 200,000 children in five years,” pahayag ni Ramirez.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang World Children’s Day ay hiwalay sa isinusulong na programa ng ahensiya – ang Children’s Games – na puspusan ding ilalarga sa susunod na taon bilang pagsunod sa nais ng Pangulong Duterte na bigyan prioridad ang kabataang Pinoy, higit yaong nasa malalayong lalawigan.

Ayon kay Ramirez, ang Children’s Games – sentro ng grassroots sports development program ng pamahalaan – ay matagumpay na nakasunod sa pangangailangan para kilalanin ng United Nations.

Matatanddang kinilala ang Children’s Games ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) bilang epektibong pamamaraan para maiangat ang abang kalagayan ng mga kabataan, kabilang ang mga biktima ng iba’t ibang pang-aabuso at karahasan.

“Very important ito (Children’s Games). Others don’t understand why we are having Children’s Games. Ito lang ang programa ang narecognize ng Unesco,” sambit ni Ramirez.

“This is a legacy we want to leave, that we have supported the children’s right to play and helped in the formation of values and character of future mothers, fathers, policemen, leaders of the country,” aniya.