Ni MARY ANN SANTIAGO
Patay ang anim na magpipinsan, na kinabibilangan ng limang paslit, sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Fire Senior Inspector Reden Alumno, ng Bureau of Fire Protection-San Lazaro, ang mga biktima na sina Jamaica Daco, 2; ang kanyang mga kapatid na sina Jamila Daco, 8; Jamaila Daco 9; ang kanilang pinsan na sina Baby Love Sampaho, 10; at Gerald Sampaho, 9; at isang Michael Ramos, 30, na nagtangkang sumagip sa mga nauna.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sumiklab ang apoy sa Arlegui Street at natupok ang ilang barung-barong sa gilid ng creek at isang limang palapag na gusali na umano’y pagmamay-ari ng isang “Ebrahim”, dakong 8:14 ng gabi.
Kabilang sa nadamay ang bahay ni Ashliya Daco, na ina ng magkakapatid na Daco.
Iniulat na nakulong sa bahay ang mga bata at tinangkang sagipin ni Ramos, na sinasabing pamangkin din ni Ashliya, ngunit pati ito ay hindi na rin nakalabas.
Ayon kay Ashliya, wala siya sa bahay nang mangyari ang sunog dahil nagtatrabaho siya bilang sales lady sa isang shop sa Villalobos Street.
Aniya, pinabantayan niya sa kanyang mga kapatid ang kanyang mga anak ngunit hindi niya alam kung bakit naiwan ang mga bata sa loob ng nasusunog nilang bahay.
Sinabi ni Alumno na inaalam pa nila kung electrical short circuit ang sanhi ng sunog, ngunit iniimbestigahan din ang posibilidad kung insidente ito ng arson matapos makakalap ng impormasyon na may tatlong tao na pumasok sa lugar bago sumiklab ang apoy.
“Possible ay electrical. ‘Yun ang possibility No. 1. Hindi pa natin niru-rule out ang arson. May mga hearsay na may tatlong tao raw na pumunta roon, pero ‘di pa natin niru-rule out ‘yan. Pero isang possibility baka sa electrical,” sabi niya.
Tuluyang naapula ang apoy, na umabot sa ikalimang alarma, dakong 11:29 ng gabi.
Aabot sa 50 pamilya ang naapektuhan sa insidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala.