NAGPATULOY ang pananalasa ni Samantha Babol Umayan ng Davao City matapos talunin si Zhiwei Ong ng Malaysia sa Round 4 ng 18th ASEAN Age Group Chess Championship sa Grand Darul Makmur Hotel sa Kuantan, Pahang, Malaysia.

Bunga ng tagumpay na naitala, si Umayan ay may nalikom ng kabuuang 3.5 puntos at malinis ang kanyang kartada sa apat na laro mula sa tatlong panalo at isang tabla.

Kabilang sa mga pinadapa niya sina Vidhya Mahindran ng Malaysia sa Round 1, Sanjaanah Arumugam ng Malaysia sa Round 2 at nakipaghatian ng puntos kontra kay Hannah Farisah Salihin ng Malaysia sa Round 3 bago manalo kontra kay Ong sa Round 4 para kunin ang solong ikalawang puwesto sa Girls 12 and under.

Makakalaban ni Umayan sa Round 5 si Divyadarrshini Loganathan ng Malaysia. Tinalo ni Loganathan ang kanyang kababayan na si Mamtaa Thambisamy tungo sa 3.0 puntos at pagsalo sa ika-4 hanggang ika-8 puwesto.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tatangkain naman ni Jerlyn Mae San Diego ng Dasmarinas, Cavite na makuha ang pangkahalatang liderato sa pakikipagduwelo kay Laysa Latifah ng Malaysia sa Round 5.

Sina San Diego at Latifah ay kapwa nagtala ng magkahiwalay na panalo sa Round 4 para magsalo sa liderato na mag tig 4.0 na puntos. Nanaig si San Diego sa kababayang si Krisen Yochabel Marie Sanchez ng Cebu habang pinadapa naman ni Latifah si Salihin.

Sa boys 12 and under, nasikwat ni Michael Concio Jr. ng Los Banos, Laguna ang solong liderato matapos payukuin ang dating kapwa lider na si Nayaka Budhidharma ng Malaysia tungo sa 4.0 na puntos.

Kumpiyansa si Philippine Executive champion Atty. Cliburn A. Orbe na makukuha ng Team Philippines ang gintong medalya sa standard event. - Gilbert Espeña