Kakanselahin umano ang prangkisa at lisensiya ng lahat ng jeepney operators at drivers na lalahok sa dalawang araw na transport strike na ikinakasa ng isang transport group sa Lunes at Martes, Disyembre 4 at 5.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, inatasan na niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na kumilos at kanselahin ang lisensiya at prangkisa ng mga miyembro ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) na lalahok sa panibagong tigil-pasada.
Pinaalalahanan din ni Tugade ang mga jeepney operator at driver na kaakibat ng mga prangkisa na ibinigay sa kanila ang kanilang responsibilidad na pagsilbihan ang publiko.
Nanindigan din si Tugade na suportado sila ng mamamayan sa isinusulong nilang public utility vehicle modernization program.
Una rito, muling nagbanta ang PISTON na maglulunsad ng dalawang araw na tigil-pasada, sa Disyembre 4 at 5, kung hindi pakikinggan ng pamahalaan ang kanilang hinaing na ibasura ang naturang PUV modernization program. - Mary Ann Santiago