NI: Celo Lagmay
Habang tayo ay ginugulantang ng pinakamainit na balitaktakan sa Kamara kaugnay ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, ibaling naman natin ang ating atensiyon sa pinakamasustansiyang gulay sa daigdig – ang malunggay. Palibahasa’y madalas nang kapitan ng iba’t ibang karamdaman, hindi ko kailanman maipagwawalang-bahala ang kahalagahan ng naturang gulay para sa pangangalaga ng ating kalusugan.
Napatunayan sa pananaliksik ng mga siyentista na ang malunggay – na ang scientific name ay moringa oleifera, kung hindi ako nagkakamali – ay itinuturing na ‘most nutritious vegetable in the world’; sinasabing nagtataglay ito ng mga sangkap na kailangan sa paggawa ng medisina para sa mga karamdaman.
Bukod sa kapakinabangang pangkalusugan o health benefit na natatamo sa naturang gulay, naniniwala ako na higit na kapakinabangang pangkabuhayan o economic benefit ang ating matatamasa sa malunggay. Sa kabila ng katotohanan na ito ay halos hindi pinapansin ng ating mga kababayan, lalo itong magiging kapaki-pakinabang kung masusuportahan lamang ang pagpapayabong nito bilang isang industriya; maraming maidudulot na kabutihan ito para sa ating kalusugan at kabuhayan.
Dahil dito, marapat lamang nating ikatuwa ang panukala na ang buwang ito ay itatakda bilang National Malunggay Month.
Sa House Bill No. 4173 o Malunggay Development Act na nagkataong isinulong ni DIWA Partylist Rep. Emmeline Aglipay-Villar, binibigyang-diin ang kahalagahan ng malunggay sa ating kalusugan, lipunan, agrikultura at kapaligiran.
Itinatadhana nito ang paglikha ng Malunggay Development Fund para sa patuloy na pagpapaunlad nito bilang isang agribusiness. Paglalaanan ito ng panimulang P50 million funds para sa produksiyon, marketing at processing ng naturang gulay.
Hindi rito dapat matapos ang mga pagsisikap tungo sa ganap na pagpapaunlad sa malunggay bilang isang kapaki-pakinabang na industriya. Kailangang balangkasin ang kailangang mga hakbang, programa at proyekto para sa pagpapayaman ng industriya. Magagawa ito ng Department of Agriculture sa pakikipagsanggunian sa Department of Science and Technology, sa state universities and colleges, mga magsasaka, local government units at pribadong sektor.
Totoong hindi dapat maliitin ang kahalagahan ng malunggay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay; hindi kalabisang... banggitin na ito ang unang hinahanap, halimbawa, ng mga breast-feeding mothers para sa kalusugan ng kanilang mga sanggol.
At lalong hindi kalabisang hikayatin ang mga mambabatas, kabilang na ang mga nakikipagbalitaktakan sa impeachment hearing, na isaalang-alang ang nabanggit na panukalang-batas.