NGAYONG nagsasanay na sa ilalim ni Hall of Famer Freddie Roach, lumaki ang tiwala ni Filipino boxer Mercito “No Mercy” Gesta na magiging kampeong pandaigdig siya sa Enero 27, 2018 kung kailan hahamunin niya si WBA at Ring Magazine lightweight champion Jorge Linares ng Venezuela sa Forum, Inglewood, California sa United States.

Ito ang ikalawang world title bout ng 30-anyos na si Gesta makaraang talunin sa puntos ni dating IBF titlist Miguel Vasquez ng Mexico noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada.

Matapos ang mahabang bakasyon sa professional boxing, nagbalik sa gym si Gesta para muling magkampanya at matapos kunin ng Golden Boy Promotions ni six-division world champion Oscar dela Hoya ay nagtala ng sunod-sunod na panalo, pinakahuli laban kay dating Mexican world rated Martin Honorio via 8th round knockout sa California kamakailan.

Ngunit, mabigat na karibal sa ibabaw ng lonang parisukat si Linares na dating WBC featherweight at lightweight beltholders bago natamo ang WBA at Ring Magazine lightweight belts noong 2016.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa huling depensa ng kanyang mga titulo, nagwagi si Linares via 12-round split decision laban sa Amerikanong si Luke Campbell noong nakaraang Setyembre sa Forum.

May rekord si Linares na 43-3-0 na may 27 panalo sa knockouts habang si Gesta ay may kartadang 31-1-2 na may 17 pagwawagi sa knockouts. - Gilbert Espeña