ANG nangyari sa Marawi City ay malinaw na bahagi ng isang pandaigdigang phenomenon ng isang sektor ng Islamic extremism na naghahangad ng kapangyarihan, hindi lamang sa ibang relihiyon kundi sa iba pang mga Muslim na hindi sumusuporta sa kanilang radikal na pananaw at mga gawain.
Nitong Linggo, nagpulong sa Riyadh, Saudi Arabia ang mga defense minister at iba pang matataas na opisyal ng 41 bansa sa kauna-unahang Islamic Military Counter Terrorism Coalition. Ang mga plano para sa isang “Pan-Islamic Unified Front” laban sa terorismo ay una na nilang inihayag noong unang bahagi ng 2015, subalit dahil sa mga huling pangyayari ay nagpursige ang mga bansa sa koalisyon na umaksiyon na nang may buong determinasyon.
Nagluluksa pa ang Egypt sa pag-atake sa isang mosque sa Sinai, na pumatay sa 305 katao sa kasagsagan ng pagdarasal nitong Biyernes. Ang mga naunang pag-atake ay isinagawa sa mga bansang Kristiyano sa Europa at sa mga Simbahang Katoliko sa Gitnang Silangan. Ang pag-atake nitong Biyernes ay laban sa isang Muslim mosque na iniuugnay sa misteryosong sangay ng Sufi ng Sunni Islam, na tinagurian ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na erehe.
Ang pag-atake sa isang kapwa institusyong Muslim marahil ang nagbunsod upang pursigido nang kumilos ang koalisyong pinamumunuan ng Saudi laban sa ISIS. Sa pulong sa Riyadh ay nagsama-sama ang mga bansang Muslim at may mayoryang Muslim, tulad ng Egypt, United Arab Emirates, Bahrain, Afghanistan, Uganda, Somalia, Mauritania, Lebanon, Libya, Yemen, at Pakistan.
Itinalaga ng koalisyon ang retiradong si Pakistan General Raheel Sharif bilang commander-in-chief, na nagsabing gagawin na nito ang “mobilize and coordinate the use of resources to facilitate the exchange of information and help member countries build their own counter-terrorism capacity” sa magkakaugnay na pagkilos laban sa mga teroristang ISIS.
Lumalaban ngayon ang ISIS sa maraming larangan. Patuloy itong nakikipagbakbakan sa mga gobyerno ng Syria at Iraq, sa layuning magtatag ng isang pandaigdigang caliphate. Hinangad nitong magtatag ng isang sentrong pangrehiyon sa Pilipinas, at si Isnilon Hapilon ang hinirang na “emir” ng rehiyon. Masuwerte namang nagawang mapuksa ng Pilipinas, sa tulong ng ilang bansa, kabilang ang Amerika, China, at Russia, grupo ng Maute-ISIS mula sa Marawi City makalipas ang limang buwan ng bakbakan.
Subalit nananatili ang pandaigdigang banta ng ISIS. Maaari na ito ngayong sistematikong sugpuin ng koalisyon ng mga bansang Muslim na nabuo sa Riyadh nitong Linggo. Totoong nagtagumpay tayong masawata ang terorismo sa Marawi, subalit ang banta at panganib nito ay nariyan pa rin, kaya dapat na lagi tayong alerto.