Ni LYKA MANALO, at ulat ni Francis T. Wakefield

NASUGBU, Batangas – Labinlimang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang apat na iba pa ang nasugatan, kabilang ang tatlong opisyal mula sa panig ng gobyerno, nang magkasagupa ang magkabilang-panig sa Nasugbu, Batangas, nitong Martes ng gabi.

Ito ang unang malakihang operasyon ng gobyerno laban sa NPA makaraang ideklara ng pamahalaan na terorista ang kilusan at kanselahin ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) noong nakaraang linggo.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-4A Director Chief Supt. Ma Aplasca, namatay habang ginagamot sa ospital si Josephine Santiago Lapera, alyas “Ka Ela Rodriguez”, samantalang ginagamot pa ang kasamahan nitong si Victoriano Almario.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ligtas na ang mga nasugatang sina Philippine Air Force (PAF) Major Engilberto A. Nioda, Jr.; 2Lt Eliseo Incierto ng PAF; at Philippine Army (PA) T/Sgt. Kenneth Lopez.

Nagsagawa umano ng pagresponde ang grupo ng 730th Combat Group at Batangas Provincial Public Safety Company (PPSC) kasama ang Nasugbu Police matapos makatanggap ng impormasyong may armadong grupo sa Barangay Aga, dakong 8:30 ng gabi, nang paputukan sila ng mga hinihinalang rebelde.

Lima sa mga suspek ang kaagad na namatay, habang lima ang nasugatan, kabilang ang tatlo sa panig ng militar.

IKALAWANG SAGUPAAN

Isang engkuwentro rin ang nangyari sa Bgy. Kaylaway, na pinangunahan nina Nasugbu Police chief, Chief Insp. Rogelio B. Pineda; at 1Lt. Elmer M. Barcenas ng PAF, may dalawang kilometro ang layo mula sa unang lugar ng sagupaan.

Dito napatay ang siyam pang hinihinalang rebelde, habang wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng gobyerno.

Nakarekober ang mga awtoridad ng 11 M16 rifle, M79 grenade launcher, mga magazine at mga bala, improvised explosive device (IED), mga battery, ilang backpack, at pulang Isuzu closed van (ADH-2750).

Sinabi na Aplasca na maaaring mag-claim ng bangkay ang mga kaanak kung may maipakikitang dokumento ng pagkakakilanlan ng mga suspek at magpapatunay na kanila itong kamag-anak.

Inaalam pa ng pulisya kung kabilang sa Eduardo Dagli Command ang mga napatay.

IKATLO, SA SURIGAO

Sa Surigao del Sur, dalawang rebelde rin ang napatay nang makipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan nitong Martes ng hapon.

Sinabi ni Col. Andres Centino, commander ng 401B Brigade, na nagkasagupa ang mga miyembro ng 75th Infantry Battalion at mga NPA sa kabundukan ng Bgy. Buhisan sa bayan ng San Agustin, bandang 1:30 ng hapon.

Ayon kay Col. Centino, nagpapatrulya ang militar sa kabundukan sa mga bayan ng Lianga at San Agustin laban sa mga rebeldeng responsable sa pagpatay sa dalawang lumad at isang sundalo gamit ang landmine sa Purok 5, Bgy. San Isidro, nitong Nobyembre 6 nang sumiklab ang engkuwentro.

Bukod sa bangkay ng dalawang rebelde, nakasamsam din ang tropa ng gobyerno ng isang AK47 rifle, isang M653 rifle, isang compass, blasting caps at detonating cords.