Ni: Mary Ann Santiago
Nagpaalala kahapon sa publiko ang Commission on Elections (Comelec) na hanggang bukas, Nobyembre 30, na lamang maaaring makapagparehistro ang mga bagong boboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 2018.
“We again remind the public to avoid the last-day syndrome, and the long lines that will be inevitable on the last full day of registration,” ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez.
Nobyembre 6, 2017 nang muling simulan ng Comelec ang voters’ registration upang bigyan ng sapat na panahon ang mga bagong botante na makapagparehistro.
Matatandaang maging tuwing Sabado at holiday ay tumanggap ng aplikasyon ang mga lokal na tanggapan ng Comelec para mas maraming aplikante ang ma-accomodate.
Nagbukas din ng mga sattelite office sa mga barangay hall, barangay plaza, at maging sa mga pampublikong paaralan para mas mapalapit sa mamamayan ang registration.
“This has, to a great extent, been welcomed by the public. And our satellite registration events continue to process substantial numbers of applications on a daily basis,” ayon kay Jimenez.
Sa huling datos mula sa Election and Barangay Affairs Department (EBAD), nasa 496,816 na aplikasyon na ang natanggap ng Comelec nitong Nobyembre 6-25.