Ni: Jeffrey G. Damicog

Nagbanta si National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran na pinag-aaralan ng ahensiya na maghain ng kaso laban sa Philippine National Police (PNP) sa paglalahad ng mga premature accusation na ang kanyang mga tauhan ay sangkot sa pagdukot sa isang South Korean.

Sa isang press conference, inihayag ng PNP nitong Lunes ang pagkakaligtas sa Korean restaurant owner na si Lee Jung Dae, at sinabing nag-iimbestiga ang pulisya sa posibilidad ng pagkakasangkot ng ilang NBI agent sa pagdukot sa dayuhan mula sa bahay nito sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga nitong Nobyembre 24.

“In view of this, the NBI is now studying the filing of charges against the PNP for issuing statements to the media based on unverified reports the statements of which destroy the high credibility of the NBI,” saad sa pahayag ni Gierran.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Iginiit ni Gierran na ang pamunuan ng NBI at ang mga tauhan nito “adhere to a high standards of ethics with stringent policies and procedures in the conduct of operations.”

Dahil dito, nagpahayag ang NBI chief ng “deep concern” sa naging mga akusasyon ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng pagkakasangkot umano ng ilang taga-NBI sa pagdukot sa Korean.

Aniya, ang naging pahayag ni dela Rosa ay batay sa “unverified reports by the PNP-Anti Kidnapping Group(AKG).”

Gayunman, sinabi ni Gierran na bumuo na siya ng grupo na mag-iimbestiga sa mga akusasyon ni dela Rosa.