Ni FER TABOY, at ulat ni Dave Albarado

Nadakip ang isang pari makaraang ipuslit ang 50 pakete ng sigarilyo at dahon ng tabako na inilagay sa loob ng isang balde ng biskuwit matapos na magmisa sa Bohol District Jail sa Tagbilaran City, Bohol nitong Linggo.

Sinabi ni Jail Warden, Chief Insp. Felipe Montejo na iniimbestigahan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Fr. James Darunday, resident chaplain ng nasabing kulungan.

Ayon kay Darunday, misis ng bilanggo ang nakisuyo sa kanya na dalhin ang nasabing balde ng biskuwit para sa asawa nito, na nakapiit dahil sa ilegal na droga.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kaagad na nakumpiska ang balde na bitbit ng pari pagpasok pa lamang niya sa pasilidad, at nakita sa loob nito ang nasa 50 pakete ng sigarilyo at 90 dahon ng tabako na ipinailalim sa mga biskuwit.

Sinabi ni Montejo na itinuturing na kontrabando ang sigarilyo, kaya ipinagbabawal ito sa piitan.

Wala umanong kasong isasampa sa pari, pero posibleng hindi na ito payagang makapasok muli sa pasilidad.

Ang bilangguan sa Barangay Cabawan ay mayroong 400-capacity, pero sa kasalukuyan ay aabot sa 949 ang nakapiit dito.

Noong nakaraang linggo lamang ay naging laman din ng mga balita ang piitan makaraang matuklasan ang ilang pakete ng hinihinalang shabu sa isang selda sa surprise inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Natagpuan sa Cell No. 17 na may 38 bilanggo, hanggang ngayon ay wala pa rin sa mga nasabing preso ang umaamin sa pagmamay-ari sa nasabing mga pakete ng shabu.