Ni: Rommel P. Tabbad
Hiniling ng Angkas, isang grupo ng motorcycle riders na nag-aalok ng libreng sakay sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT)-3, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mai-regulate ang kanilang operasyon.
Ayon kay Angkas rider Ryan Riller, presidente rin ng Taguig Spartan, nais nilang maging pormal ang kanilang operasyon.
Sinabi niya na sana ay “masolusyunan” ng LTFRB ang nasabing usapin sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng provisional permit at masaklaw din sila sa transport network vehicle services (TNVS) category, upang maging legal ang kanilang operasyon.
Itinakda ng LTFRB sa Disyembre 12, 2017 ang kanilang dayalogo sa pamunuan ng Angkas.
Nitong Lunes, dinagsa ng higit sa 200 Angkas riders ang MRT-3 North Avenue terminal upang mag-alok ng libreng sakay sa mga pasahero ng tren, subalit pinagbawalan sila ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa kawalan ng sistema sa kanilang operasyon.