Ni REGGEE BONOAN
DAGSA ang pagbati ng ‘congratulations’ kay Sylvia Sanchez sa ipinakita na naman niyang kahusayan sa pag-arte sa bagong teleseryeng Hanggang Saan (HS) nitong Lunes.
Top trending ang pilot episode ng serye na may hashtag na #HanggangSaanAngSimula.
Big scene kaagad ang unang araw ng HS na pagdiriwang ng pista sa lugar nina Nanay Sonya (Sylvia) at siya ang naatasang magluto ng handa hanggang sa maaksidente ang anak na si Paco (Luke Alford).
Kailangan ni Nanay Sonya ng kalahating milyon para sa operasyon ng anak pero wala siyang mapagkukunan kaya nilapitan niya si Edward Lamoste (Eric Quizon) para bawiin ang inihulog niya para sa educational plan ni Paco, pero bankrupt na pala kaya ang suot nitong relo ang ibinigay.
Ang kaso, may hiniling si Edward na hindi kayang gawin ni Nanay Sonya, patayin siya para makolekta ang malaking insurance nito para makuha ng mag-ina nitong sina Jean Lamoste (Teresa Loyzaga) at Anna Michelle (Sue Ramirez) na nasa New York.
Dahil ipinipilit ni Edward na kalabitin ni Nanay Sonya ang gatilyo at ayaw naman ng huli pero nakalabit pa rin at bumagsak na ang una.
Dead on arrival si Edward nang isugod sa ospityal kaya nagi-guilty si Nanay Sonya (Ibyang) at plinano ang pagsuko pero pinigilan siya.
Sharp-shooter si Ibyang sa totoong buhay kaya ang mahusay niyang naiarte na kunwari ay hindi siya marunong bumaril.
Hmmm, nakailang takes kaya siya sa eksenang ito?
Mukhang mahirap bitawan ang kuwento ng Hanggang Saan dahil kaabang-abang kung paano nangyaring si Gabriel (Arnold Reyes) ang nakulong at inakusahang bumaril kay Edward (Eric) gayong wala naman ito sa crime scene.
Hindi kaya siya mismo ang itinuro ng witness na si Asyong (Nanding Josef) para iligtas si Nanay Sonya?
Samantala, applauded ang production number ni Ibyang sa ABS-CBN Trade Launch para sa mga bagong shows na ginanap sa Vertis North nitong Martes ng gabi.