ANG hakbanging pahintulutan ang kontroladong paggamit ng marijuana bilang gamot ang naging sentro ng talakayan sa Kamara de Representates noong nakaraang linggo nang sumalang ang House Bill 6517 sa plenaryo makaraang aprubahan ng House Committee on Health ang panukala.

Mariin itong tinutulan, sa pangunguna ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, senior deputy minority leader, na nagsabing hanggang ngayon ay walang pananaliksik na makapagpapatunay na nakapagbibigay nga ng lunas sa sakit ang marijuana. Iginigiit ng mga nagsusulong ng panukala na ang marijuana o ang dagta o katas ng cannabis ay makatutulong sa paggamot ng iba’t ibang sakit, gaya ng epilepsy, post-traumatic stress disorder, rheumatoid arthritis, at pinsala sa gulugod. Subalit kakaunti lamang ang magpapatunay dito, ayon kay Congressman Atienza. Wala pa ring solido at masusing pananaliksik o pag-aaral na medikal tungkol dito.

Sa 26 na estado sa Amerika ay legal ang medical marijuana, subalit hindi sa mismong federal government ng bansa.

Inihayag ng US Drug Enforcement Administration na malaki ang potensiyal na maabuso ang marijuana, na wala namang lehitimong halaga sa larangan ng medisina. Mayroon din itong side effects, na ayon sa ahensiya, ay maaaring makaapekto sa pagtutuon ng atensiyon at balanseng pagpapasya.

Sa isang position paper, tinutulan ng University of the Philippines-Manila ang pagsasalegal sa medical cannabis o marijuana, sinabing nagdudulot ito ng “serious threat to public health.” Batay sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165, na umiiral sa bansa, ang dagta at katas ng cannabis ay itinuturing na delikadong gamot sa Pilipinas.

Isinasagawa ngayon sa Pilipinas ang malawakang kampanya kontra sa ilegal na droga, alinsunod sa mga probisyon ng RA 9165. Ang pagkalulong sa shabu o methamphetamine ang pangunahing puntirya ng nasabing kampanya, subalit nakapag-ulat ang Philippine Drug Enforcement Agency ng mga pag-aresto at pagkakakumpiska ng iba pang mga droga, tulad ng cocaine, ecstasy, at marijuana.

Nasa kalagitnaan tayo ng malawakang kampanya kontra droga at hindi marahil ito ang akmang panahon upang bigyan ng pagkakataon ang isa sa mga ipinagbabawal na gamot na nanggaling sa halaman ng marijuana na palihim na inaalagaan sa maraming bahagi ng bansa. Mas mainam na maghintay ng resulta ng mas kumprehensibong pananaliksik tungkol sa posibilidad na magbigay ng lunas ang marijuana sa Amerika at sa iba pang mga bansa bago natin pahintulutan ang paggamit nito sa sarili nating bansa.