Ni: Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

11 m.u. -- NU vs UE (w)

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

2:45 n.h. -- Awarding Ceremony

4 n.h. -- La Salle vs Ateneo (m)

UAAP Season 80 men’s cage title, dadagitin ng Ateneo Blue Eagles?

MAHABANG panahon din ang pinaghintay ng Ateneo Blue Eagles para muling makalipad at makawala sa tag-gutom na panahon.

Ngayong matayog ang kampay at pagaspas ng kanilang pakpak, walang dahilan para hindi manginain ang Blue Eagles.

Tangan ang bentahe at momentum sa best-of-three title series, tatangkain ng Ateneo na mawalis ang serye sa pakikipagtuos sa La Salle Green Archers sa Game Two ng championship duel sa Araneta Coliseum.

Nakatakda ang pakikipagtipan sa kasaysayan ng Blue Eagles ganap na 4:00 ng hapon.

Abantahe ang Ateneo sa serye, 1-0, matapos manaig sa Game One.

Mas paigtingin ang depensa kay Ben Mbala ang focus ng Ateneo. Nalimitahan ng Blue Eagles ang season MVP sa walong puntos sa Game One.

“We couldn’t play Ben Mbala straight up one on one. We needed all of our five guys to come up and do the roles in order to slow down Ben. That was important for us,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.

Bukod sa depensang tyinaga sa kabuuan ng laro, aasahan din ng Ateneo ang pamumuno nina Thirdy Ravena, ang kambal na sina Matt at Mike Nieto, Aaron Black, Vince Tolentino, Chibueze Ikeh at Isaac Go.

Nariyan din at maasahan para sumuporta sa kanila sina Anton Asistio, Tyler Tio, Jolo Mendoza at Raffy Verano.

Magsisikap naman ang Archers na maitabla ang serye at makahirit ng do-or-die Game 3 para patuloy na mabuhay ang tsansang maipagtanggol ang kanilang titulo.

Ayon kay Aljun Melecio na nasayang ang itinalang game high 24-puntos noong Game 1, kailangan nilang mag-focus sa kanilang execution at magkaroon ng maayos na communication para makabangon sa natamong 71-77 kabiguan sa Game 1.

“Yung communication namin sa loob, nawalan kami ng communication kaya nawala din kami sa focus. Kailangan naming mag bounce back at i-adjust yung mga execution naming, “ ani Melecio.

Bukod kay Melecio, inaasahang mangunguna sa pagbawi ng Green Archers sina Mbala, Ricci Rivero, Kib Montalbo at Andrei Caracut.