Ni: Mina Navarro
Isa pang balasahan ang naganap sa 500 tauhan ng Bureau of Immigration (BI), na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bilang bahagi ng programa ng kawanihan kontra katiwalian at mapabuti ang serbisyo nito sa publiko.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, bilang resulta ng pagbalasa, lahat ng immigration officers (IOs) na nakatalaga sa NAIA ay inilipat sa pinaglipatang terminal sa alinman sa dalawa pang terminal sa paliparan.
Aniya, gaya ng dati, walang tauhan ang exempted na layuning pigilan ang fraternization sa mga kawani na itinuro bilang pangunahing dahilan ng katiwalian sa gobyerno.
Sabi pa ni Morente, bukod sa pagpigil sa katiwalian, layunin din nito na mas maging produktibo ang mga empleyado habang nagtatrabaho sa panibagong kapaligiran at pagkakaroon ng bagong mga katrabaho.
Nabatid na nasa 467 IO sa NAIA ang apektado ng balasahan. Huling nagkaroon ng balasahan noong Hunyo ng taong ito.
Sa katatapos na balasahan, 20 porsiyento ng IOs ay may bagong oras ng trabaho at pinalitan ang shift ng kanilang assignment.