NI: Marivic Awitan
DAHIL sa kanilang ipinakitang performance sa nakaraang PBA season, kabilang sina Kelly Williams at Chris Ross sa mga pagkakalooban ng rekognisyon sa idaraos na 24th PBA Press Corps Awards sa Nobyembre 30 sa Gloria Maris sa Cubao, Quezon City.
Ang 35-anyos na si Williams, nagkaroon ng pabalik -balik na blood disease ang tatanggap ng Bogs Adornado Comeback Player of the Year. Tinalo ng TNT Katropa forward si Barangay Ginebra slotman Greg Slaughter.
Si Ross naman ang napili bilang Mighty Sports Defensive Player of the Year kung saan tinalo niya sina Rain or Shine stalwart Gabe Norwood, Japeth Aguilar ng Kings, Jio Jalalon ng Star at ang teammate nyang si June Mar Fajardo.
Ang limang nabanggit na mga manlalaro ay tatanggap din ng parangal bilang All-Defensive Team.
Bibigyan din ang 6-foot-1 point guard ng special award sa naturang formal affair na inihahatid ng Cignal TV bilang PBAPC’s Finals Most Valuable Player sa nakaraang Philippine Cup.
Kasama niyang bibigyan ng kahalintulad na rekognisyon sina Commissioner’s Cup Finals MVP Alex Cabagnot, at Governors Cup Finals MVP LA Tenorio.
Ang presentasyon ng Coach of the Year award ang magsisilbing highlight ng programa at ipiprisinta ito sa mananalo ng mismong pamilya ng namayapang great mentor na si Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Ang isa pang major award na igagawad ay ang Executive of the Year na isinunod naman sa pangalan ni Crispa team owner Danny Floro.