Ni REGGEE BONOAN

SA presscon ng Unexpectedly Yours naglabas ng saloobin si Robin Padilla na hindi raw niya pelikula ang balik-tambalan nila ni Sharon Cuneta kundi para ito ibang aktor na hindi umubrang gawin.

“Hindi ko naman talaga pelikula ito, eh, pelikula nina Sharon at Gabby (Concepcion) ito,” panimula ng aktor.

JOSHUA AT ROBIN copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Agad siyang kinontra ng megastar, “I’m sorry, we scrap that project totally. This is a totally different project.”

“Kasi dinadala ko ‘to,” sambit ni Binoe. “Ang istorya ay iyon ang nakarating sa akin, marahil hindi iyon ang nakarating sa ‘yo. Sabi sa akin, kailangan mo ako. Totoo, walang halong kasinungalingan ‘yan.”

Dagdag pa ni Robin, “Ako po ay may ginagawang pelikula sa produksiyon ko, dalawang pelikula, ‘yung Bad Boy 3 at ‘yung Marcelo del Pilar. ‘Yun po ang istorya. Tinawagan ako ni Ms. Malou (Santos), ang sabi niya, ‘Kailangan ka ni Sharon’ (hiwayan ang supporters ng dalawa), ‘yan ang totoo!” nakatinging sabi ng aktor kay Mega.

“Tinanong kasi ako, sabi sa akin, ‘sino ngayon ang gusto natin (leading man), ito, si ganito o si ganyan,” kuwento ng aktres.

“Sino’ng sinabi mo?” tanong ng aktor.

“Robin!” mabilis na sagot ng megastar.

“O, di lumabas ang katotohanan, hindi ko pelikula ang unang pinag-usapan. Nu’ng sumulpot na po, diyan lumabas si Ma’am Vanessa (Valdez, scriptwriter). Doon po sila gumawa ng konsepto para sa amin. ‘Yun po ang istorya, hindi ‘yung si Gabby ang gaganap nito. Ako lang ang makakaganap nito!” may pagmamalaking sabi ni Binoe na inayunan naman din ni Sharon ng, “Agree! Agree!”

“Sa lahat ng inibig mo,” hirit uli ni Robin, “ako lang ang makakaganap nito!” kaya naghiyawan ang mga tao sa Dolphy Theater na pinagdausan ng presscon. “Kahit mapanood ninyo ang pelikula, si Robin lang ang makakagawa nito, ‘yung mayabang dito, walang makakaganap ng ganyan kayabang, ‘yun po ang istorya.”

Pinalakpakan ng todo si Robin sa sinabi niyang totoo naman talaga.

Kumusta ang balik-tambalan nila pagkalipas ng 16 na taon.

“Sana nag-enjoy ka naman,” saad ng aktor sabay baling kay Sharon.

“I always enjoy and Robin is my favorite leading man,” sagot agad ni Shawie. “It’s always a pleasure to work with Robin, all the movies we done together. He’s really kasi ano, eh, sa lahat ng nakasama ko sa pelikula, parang we are the genders version of each other, so parehong-pareho kami. Siyempre may major differences, pero we’ve the same sense of humor, we think alike, masaya kasi pareho kaming tawa lang nang tawa, nagpapatawa, masaya sa set. ‘Tapos ang bonus namin, nakasama namin (ang JoshLia).”

Kuwento naman ni Robin sa experience niya sa balik-tambalan nila ni Sharon, “Sa akin po, walang pagbabago. Ako po ay tagahanga pa rin niya siyempre. Alam naman po ni Ma’am. Kapag nag-eeksena kami, lagi akong natutulala, lagi kong sinasabi na, ‘Sharon Cuneta, Sharon Cuneta....’ Nandoon po ako, hindi na ako makakaalis doon. ‘Yung kinunan na halik, sabi ko, ‘Mahahalikan ko na naman si Sharon Cuneta...,’ nandoon na naman ako. Hindi na ako nakaalis doon sa fan mentality,” seryosong kuwento ng aktor.

Sa kuwento ng Unexpectedly Yours, dating schoolmate noong high school sina Robin bilang si Cocoy at Sharon as Patty.

Hindi gaanong napapansin noon ni Sharon si Robin dahil nasa section 1 siya samantalang nasa section 6 naman ang huli. Hanggang sa naging magka-level na dahil magkapitbahay.

Parang real-life story dahil kasikatan ni Sharon nang itambal sa kanya si Robin sa Maging Sino Ka Man (1991).

Nagkagusto noon si Binoe kay Shawie pero naalangan siyang ligawan dahil baka mabasted. Pero dahil sa estilong ‘haragan’ sa panliligaw at may taglay namang kabaitan ang aktor, napansin siya ng megastar.

Hindi lang namin sigurado kung sa Maging Sino Ka Man naging magkarelasyon sina Robin at Sharon o habang ginagawa nila ang Sorry Na, Puwede Ba (1993).

Anyway, sa trailer ng Unexpectedly Yours ay walang asawa pa si Cocoy (Robin) na mas inuna ang pagtulong sa pamilya bukod pa sa hindi pa niya nakikita ang babaeng gustong makasama sa buhay.

Samantalang si Patty (Sharon) ay gulung-gulo naman sa buhay niya at may anak siya, si Yanni (Julia Barretto) na type naman ng pamangkin ni Cocoy (Robin), si Jason (Joshua Garcia).

Mas magandang panoorin na lang ang Unexpectedly Yours sa mga sinehan, opening na bukas nationwide, mula sa Star Cinema.