Ni ROBERT R. REQUINTINA

UMABOT si Miss Philippines Rachel Peters sa Top 10 sa 2017 Miss Universe beauty pageant na ginanap sa Las Vegas, Nevada, kahapon.

Pero isa pang Peters – si Demi-Leigh Nel-Peters -- ng South Africa ang nakapag-uwi ng korona at nangibabaw sa 92 iba pang mga kandidata ng patimpalak.

Rachel copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Si Demi-Leigh ang pangalawang Miss Universe mula sa South Africa sa loob ng 66 na taong kasaysayan ng prestihiyosong beauty contest.

Tatlumpu’t siyam na taon ang binilang bago muling nag-uwi ng korona ang South Africa, nang masungkit ni Margaret Gardiner ang titulo noong 1978.

Isa sa mga naging paboritong kandidata si Demi-Leigh simula nang magdatingan ang mga kandidata sa Las Vegas para sa kompetisyon.

Nanguna rin siya sa gambling portals sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang sa mga pinustahan ang mga kandidata ng Thailand, Colombia at Pilipinas.

First-runner up si Miss Colombia Laura Gonzalez at 2nd runnerr-up naman si Miss Jamaica Davina Benette.

Sa unang round ng elimination, inihayag ang top 4 candidates sa apat na kategorya - Asia at Africa, Europe, Americas; at Wild Card – na bumuo sa Top 16 semi-finalists.

Para sa Asia at Europe, ang semi-finalists ay mga kandidata ng Thailand, Sri Lanka, Ghana, at South Africa; Europe:

Spain, Ireland, Croatia, at Great Britain; Americas: Colombia, USA, Brazil, at Canada; at Wild Card: Philippines, Venezuela, Jamaica at China.

Matapos pumaradang naka-swimsuit ang Top 16, nagbawas ng anim sa mga kinatawan. Ang Top 10 ay mga kandidata ng Venezuela, USA, Philippines, Canada, South Africa, Spain, Brazil, Colombia, Thailand at Jamaica.

Ang Top 5 candidates, matapos na irampa ang evening gown competition, ay sina: South Africa, Venezuela, Thailand, Jamaica at Colombia.

Napanalunan naman ni Miss Japan Momoko Abe ang Best in National Costume award.

Ang fans sa buong mundo ang naging ikapitong judge ng 2017 Miss Universe pageant, sa pamamagitan ng kanilang boto sa pagpili ng Top 16 semi-finalists, at Swimsuit at Evening Gown competitions.

Great job

Ayon kay Gines Baja Enriquez ng Bb. Pilipinas Charities, Inc., ang nagpapadala ng mga kinatawan ng Pilipinas sa mga kompetisyon sa ibang bansa, maganda ang ipinakita ni Rachel sa finals.

“We did a great job! At the end of the day, it’s really the judges pick. Mrs. Araneta prepared Rachel well. It was a great experience for her because she made a lot of friends. We will continue to learn from the winners and will keep on doing our best,” ani Enriquez.

Nagbigay ng reaksiyon ang ilang media workers sa Top 10 finish na Bicolana beauty queen at kung bakit hindi siya nakapagpatuloy sa kompetisyon.

“Perhaps because the judges preferred either Colombia or Jamaica over her,” ani Norman Tinio, ng normannorman.com, na popular website ng beauty pageants.

“Perhaps she was not what the judges were looking for, and she was overshadowed by the ones who showed personality.

The others’ background were quite impressive, too! And the program highlighted this aspect of the delegates through the videos that were presented,” komento ni Armin Adina, pageant expert ng isang major newspaper.

Miss Universe 2017 Christmas Tour

Inaasahang dadalo ang mga nanalo sa 2016 at 2017 Miss Universe beauty pageants sa Miss Universe 2017 Christmas Tour na gaganapin sa Manila simula Disyembre 6.

Ang event, na iniulat na inorganisa ng Department of Tourism, ay kabibilangan ng mga aktibiadad gaya ng meet-and-greet para sa press, fashion show at gala night.

Ayon sa sources, ang pinal na aktibidad para sa Miss Universe Christmas Tour ay inaasahang ipapahayag sa mga susunod na araw.