Ni: Danny J. Estacio

CALAUAN, Laguna – Isang dating lider ng Panay Regional Party Committee ng Southern Front Committee ng New People’s Army (NPA), na 12 taon nang nagtatago sa pagpatay sa ilang opisyal ng gobyerno, ang naaresto sa pinagsanib na operasyon ng Laguna at Antique Police Provincial Offices (PPO) nitong Linggo ng gabi sa Barangay Mabacan sa Calauan, Laguna.

Kinilala ng pulisya ang naaresto na si Winston C. Gilua, alyas “Ka Waway” at “Nonoy”, 49, may asawa, obrero, at residente sa nabanggit na lugar.

Ayon sa police report, bandang 9:30 ng gabi nang ikasa ng Calauan Police ng Laguna, San Remigio Police ng Antique, Laguna PPO at Antique PPO ang operasyon laban kay Gilua.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant sa kasong murder, nang walang inirekomendang piyansa.

Nakakulong na ngayon si Gilua sa himpilan ng Calauan Police.

Batay sa police records, 1990s nang maging suspek si Gilua sa pagpatay sa tatlong alkalde ng San Remigio sa Antique.

Siya rin umano ang nag-ambush kay SPO3 Catague ng San Remigio Police, kay Technical Sergeant Otero ng Philippine Army, at sa isang sibilyan noong Agosto 27, 2004 sa Sitio Igbolo, Bgy. Cabiawan, San Remigio, Antique.