Ni: Ric Valmonte
SA harap ng mga sundalo sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Duterte na ibinigay niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kapangyarihan na siya lang ang tanging magpapairal ng kampanya laban sa droga. Ginawa raw niya ito upang maiwasan ang mga batikos sa madugong pagpapatupad ng drug war ng mga pulis.
“Gusto ko man o hindi,” wika pa niya, “kailangang ibalik ko ang kapangyarihan sa mga pulis.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nababahala ang Pangulo sa paglala na naman ng problema sa droga nang hindi na nakikialam ang mga pulis. Malamang na ibalik daw ng Pangulo ang liderato ng war on drugs sa Philippine National Police (PNP). Sapat na, aniya, ang panahong ibinigay ng Pangulo sa PDEA.
Kulang na sa tauhan at kulang pa sa budget ang idinadahilan kung bakit mahirap para sa PDEA na gampanan ang tungkulin na ito lamang ang magpapatupad ng kampanya ng Pangulo laban sa droga. Ganoon pa man, ayon sa PDEA, nakagawa ito ng 1,341 operasyon sa buong bansa mula noong Oktubre 10 hanggang Nobyembre 10, na nagbunga ng pagkaaresto ng 400 drug personalities. Nakakumpiska rin daw ang PDEA ng P53.83-milyon halaga ng narcotics kasama na rito ang 6.16 kilo ng shabu. Sa buong panahon ng operasyon, sabi ng PDEA, isang drug suspect lang ang napatay.
Iyong patayan ang ikinababahala ng mga human rights group kung bakit tinututulan nito ang nais mangyari ng Pangulo na ibalik sa PNP ang kapangyarihang magsagawa ng kampanya laban sa droga. Nang nasa kamay kasi ito ng PNP, araw-araw ay may napapatay. May panahon na sa loob lang ng isang gabi ay mahigit na 30 ang napatay. Mga inosenteng kabataan pa ang mga nabiktima.
Pero, PDEA o PNP man ang mangunguna sa pagtataguyod ng war on drugs ng Pangulo ay hindi kailanman mawawakasan ito.
Hindi makakagwanta ang PDEA sa pagsabat nito sa mga droga at hindi titigil ang PNP sa pagpatay nito sa mga gumagamit at nagbebenta ng droga. Paano kasi, hindi naman masawata ang pagpasok ng droga sa ating bansa.
Tingnan ninyo ang nangyari sa Bureau of Customs. Ang bultong shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela ay naipuslit sa Bureau of Customs. Bago nga ito, lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na may mas malaking shipment ng shabu ang nakalabas din sa Customs at nahanap ito sa San Juan.
Sa parallel investigation na isinagawa ng House Committee on Public Order and Illegal Drugs at Senate Blue Ribbon Committee, maliwanag ang ebidensiya na ang P6.4-bilyon shabu ay nakalusot sa BoC sa tulong ng Customs officials dahil sa ginawa nilang pamamaraan ukol sa paglabas ng mga kargamento. Pareho ang rekomendasyon ng dalawang komite na sampahan ng kaso ang BoC officials, sa pangunguna ni Commissioner Faeldon.
Ang problema, inabsuwelto sila ng Department of Justice. Inilipat pa sa Department of Transportation ang kapwa niyang nademanda na sina Maestrecampo at Gambala. Ang tanong ko lang sa mga pulis kung sakaling sila muli ang magpapairal sa war on drugs: May gana pa ba kayong pumatay ng mga pipitsuging nagbebenta ng droga kung ito ay pinagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi ng mga kapwa n’yo nasa gobyerno nang walang pananagutan?