NI: Rommel P. Tabbad
Ni-revoke na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez dahil sa paggamit nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lane sa EDSA nitong Nobyembre 11.
Bukod dito, binawalan din si Lopez na mag-apply at kumuha ng lisensiya sa susunod na dalawang taon.
Ang desisyon ng LTO ay batay na rin sa rekomendasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang gamitin ni Lopez ang ASEAN lane na para sa mga delegado ng Summit, upang makaiwas sa matinding trapiko sa EDSA.
Pinagmumulta rin si Lopez ng kabuuang P8,000 sa tatlong traffic violations: P5,000 sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, P1,500 sa pagbalewala sa traffic sign, at P1,500 sa reckless driving.
Matatandaang nag-post pa si Lopez sa social media ng litrato at video ng ginawa niyang pag-alis sa mga divider cone para makaharurot sa ASEAN lane.