Ni: Bonita L. Ermac

ILIGAN CITY – Kadalasang nagbibigay ng kasiyahan at pag-asa sa pamilya ang mga bagong silang na sanggol, na itinuturing na regalo mula sa langit.

Ngunit para kay Miralyn Tome, 28, ito ay isang magandang alaala ng kanyang asawang si Jamil Tome, 25, na binihag ng mga terorista ng Maute-ISIS nang sumiklab ang krisis sa Marawi City, Lanao del Sur.

Isa si Jamil sa sampung magkakaanak na nagtatrabaho bilang construction worker nang dukutin sa kalsada sa pangunahing lugar ng bakbakan malapit sa Bato Mosque.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagpunta si Miralyn, kasama ang mga kamag-anak ng kanyang asawa at kapatid, sa kapitolyo ng Lanao del Sur upang hanapin si Jamil, sa pag-asang buhay pa ito.

Pero kahit hirap sa kanyang kalagayan noong kanyang kabuwanan, wala pa rin siyang napala.

Dinukot si Jamil noong apat na buwan pa lamang ang ipinagbubuntis ni Miralyn, bukod pa sa mayroon silang panganay na lalaki, na ngayon ay isang taong gulang na.

Nobyembre 15 nang isinilang ni Miralyn ang malusog na sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Jamil Tome, Jr.

“Ito po ay magsilbing ala-ala sa asawa ko,” aniya habang hawak ang bunso. “Ang mga batang ito ay magkamalay na walang magisnang ama kung hindi na nga makabalik ang aking asawa.”

Nagbigay ang kapitolyo ng Lanao del Sur, sa pamamagitan ng mga kinatawa nito, ng ilang gamot at binayaran ang mga bayarin sa ospital kung saan nagsilang si Miralyn.

Nagpasalamat naman si Miralyn at hiniling kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang-pansin ang patuloy pa ring paghahanap sa kanilang mga kaanak na binihag sa bakbakan sa Marawi—na hanggang ngayon ay hindi pa lumalantad o natatagpuan.

Dahil dito, iginiit ni Miralyn na hindi lamang ang mga residente ng Marawi ang biktima kundi maging sila ring nawalan, at patuloy na naghahanap, sa mga mahal sa buhay.