Ni: Clemen Bautista
LIKAS at katutubo sa tao ang magtangi, umibig at magmahal. Katutubo sapagkat tayo’y nilikha sa pag-ibig. At sa pagsilang ng bawat nilalang sa daigdig, ang pag-ibig at damdaming kaugnay nito ay nakasangkap na sa pagkatao. Sa paglipas ng mga araw at ilang panahon, unti-unting magkakahugis, magkakaanyo, magkakaroon ng kahulugan at may mga bagay nang pag-uukulan at paglalaanan. Maaaring ang pag-ibig ay iukol sa Diyos, sa mga magulang, sa kapwa, sa minamahal na Inang Bayan at sa iba pang bagay na may halaga sa buhay.
Lahat ng tao ay nakaranas at nakadama ng pag-ibig. Ang mga bayani. Ang mga banal. Ang ating mga ninuno, mga magulang at mga taong naging dakila. Sila’y umibig. Nagtangi. Nagmahal. Katulad ng mga bayani ng iniibig nating Pilipinas.
Isang halimbawa si Andres Bonifacio—ang Ama ng Katipunan at tinawag na Dakilang Proletaryo. Siya’y umibig din at nagtangi. At ang una niyang pinag-ukulan ng pagmamahal noong kanyang kabataan ay si Monica, isang dalagang naging kapitbahay nila sa Tondo, Maynila.
Nang tanggapin ni Monica ang pag-ibig ni Andres Bonifacio ay nagpakasal at nagsama sila. Ngunit ang kanilang romansa at matapat na pagmamahalan ay hindi gaanong nagtagal sapagkat maagang binawian ng buhay si Monica.
Ang mapait na gunitang naiwan sa puso at damdamin ni Andres Bonifacio ay muling napalitan ng tamis nang makilala niya si Gregoria de Jesus noong 1892. At sa pagkikilalang iyon, nabuhay ang namatay na pag-ibig ng Dakilang Proletaryo. Si Gregoria de Jesus ay labing-walong taon ang edad, maganda at isang mayamang dalagang tubong Caloocan, Rizal (isa nang lungsod ngayon).
Mula nang makilala ni Andres Bonifacio ang dalaga, sinimulan na niyang dalawin sa bahay nito. Noong una’y walang pahiwatig ng pagtatangi ang ating bayani sa dalaga. Ang ginagawa lamang niya’y sukat ang dumalaw sa tahanan. Pagdalaw na tulad ng isang kaibigan sapagkat nang panahong iyon, ang mga magulang at maging ang mga kadalagahan ay lubhang maingat sa kanilang mga ikinikilos. Ayaw nilang isipin ng kanilang mga ka-pook na mayroon na silang mga tagahanga o kasintahan.
Ang pagdalaw ng Dakilang Proletaryo, kasama sina Ladislao Diwa at Teodoro Plata (pinsan ni Gregoria de Jesus), ay tumagal din ng isang taon. Hindi nakaila sa mga magulang ng dalaga na ang madalas na pagbisita ni Andres Bonifacio ay may dahilan.
At nang unti-unti nang nagkakaroon ng pagtatangi ang dalaga sa ating bayani ay saka niya natuklasan na ang kanyang mga magulang ay tutol na maging kabiyak ng puso si Andres Bonifacio. Idinadahilan na si Bonifacio ay isang mason at kanilang itinuturing na ang pagiging mason ay gawa ng diyablo.
Ngunit ang pagtutol ng mga magulang ni Gregoria de Jesus ay hanggang sa pagtutol na lamang sapagkat naging matatag ang paninindigan ng dalaga. Pumayag din ang mga magulang na sila’y makasal. Kaya noong Marso, 1893, sina Andres Bonifacio at Gregoria de Jesus ay ikinasal sa simbahan ng Binondo.
Matapos ang kasal sa simbahan, makalipas ang isang linggo ay muli silang pinag-isang-dibdib sa kasal-Katipunan. Sa nasabing kasalan, dumalo ang matataas na pinuno ng Katipunan, tulad nina Dr. Pio Valenzuela, Santiago Basa at Manuel Dizon. Dumalo rin sina Josefa at Trinidad (mga kapatid ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal) at iba pang matataas na lider ng Katipunan.
Matapos ang kasal si Gregoria de Jesus ay itinalaga bilang Lakambini ng Katipunan.