Ni: Nitz Miralles
NAKAKATUWA ang reaction ng viewers sa pagpasok ng karakter ni Andy Ryu bilang si Lee Gong Woo sa My Korean Jagiya.
May kinikilig dahil magseselos si Jun Ho (Alexander Lee) kasi nga magugustuhan ni Lee Gong Woo si Gia (Heart Evangelista) pero may mga nababahala naman dahil baka sa ending daw ay sina Gia at Lee Gong Woo ang magkatuluyan.
Para raw nagagaya na ang My Korean Jagiya sa mga Korean drama na may second lead syndrome ang story at ito ang nakakatuluyan ng bidang aktor o bidang babae.
Anyway, winelcome ni Alexander si Andy sa My Korean Jagiya sa tweet nitong, “Finally! It’s time for our new (threatening?) character! Welcome to MJK!!! Let the NEW season BEGIN.”
Off-cam, kasama ang Halo-halo sa pang-welcome ni Alexander kay Andy. Kuwento ni Andy, in-introduce ni Alexander sa kanya ang Halo-halo na nagustuhan naman niya dahil sa monggo at iba pang beans na kasama, kaya favorite na rin niya ito ngayon. Ilang beses na raw silang kumain ng Halo-halo.
Okay lang kay Andy kung kontrabida ang labas niya sa My Korean Jagiya at sa tulong ng interpreter, sabi niya, “Hindi problema ‘yun dahil sa Queen Seon Deok, bad din ang karakter ko.”
Kahit parehong celebrity sa Korea sina Alexander at Andy, hindi sila magkakilala ng personal. Kilala lang ni Andy si Alexander as former UKiss member. Dito sa Pilipinas na sila nagkakilala nang husto at magiging magkaibigan at dahil ‘yun sa My Korean Jagiya.