Ni ZEA C. CAPISTRANO
DAVAO CITY – Binaril at napatay ng riding-in-tandem ang organizer at campaigner ng isang progresibong party-list dalawang araw makaraang pormal na wakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA).
Sa panayam kahapon, sinabi ng human rights activist na si Jay Apiag, ng Karapatan, na binaril ng mga armadong magkaangkas sa motorsiklo si Apolonio Maranan, 64, ng Anakpawis Party-list, sa Barangay Mandug, Buhangin District sa Davao City nitong Sabado.
Sinabi kay Apiag ng asawa ni Maranan na lumabas lamang ng bahay ang huli upang bumili ng hapunan sa DDF Village bandang 7:49 ng gabi.
Si Maranan ang ika-55 napatay sa Davao region simula noong Hulyo 2016, batay sa datos ng Karapatan.
Sinabi ni Apiag na bago ang insidente, sinabi ni Maranan sa misis nito na kinausap ito ng ilang lalaki na nagpakilalang intelligence assets ng militar.
“The men told Maranan that they knew him, that they have heard of his name and asked him if he has seen his comrades in the New People’s Army,” ani Apiag.
Ayon kay Apiag, sinabihan si Maranan ng mga lalaki na kung susuko ang mga kasamahan nito ay dapat na lumapit ang mga ito sa intelligence group.
Sinabi naman ni Tony Salubre, tagapagsalita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na naging kasapi ng NPA si Maranan noong 1980s.
“He was arrested in the 80s and was released some time in 1994,” sabi ni Salubre.
Matapos makalaya, sinabi ni Salubra na naging aktibo si Maranan sa pag-oorganisa ng mga trabahador sa sagingan at mga magsasaka sa Mandug.
“He was also a campaigner of Anakpawis Party-list in the elections last year,” dagdag ni Salubre.
Sinabi naman ni Senior Insp. Teresita Gaspan, tagapagsalita ng Davao City Police Office (DCPO), na nagsimula na ang kanilang imbestigasyon at hindi pa malinaw ang motibo sa pagpatay kay Maranan.