Ni: PNA
IPINUPURSIGE na ng Climate Change Commission (CCC) ang pamamahala sa proseso ng climate funding sa ilalim ng People’s Survival Fund (PSF).
“We’re developing the online monitoring and evaluation system (MES) for such purpose,” sabi ng CCC development manager officer na si Kenneth Hizon, na nangangasiwa sa gawain.
Sinabi ni Hizon na papayagan ng MES ang mga lokal na pamahalaan at mga community organization sa buong bansa, na mag-online at magsumite ng kani-kanilang aplikasyon para sa g PSF funding, bago alamin ang kanilang status.
Sa pamamagitan ng online set-up ng MES, madaling malalaman ng CCC ang pagtanggap sa mga naturang aplikasyon at kaagad na makapagbibigay sa mga aplikante ng feedback, aniya, at sinabing kapag online, madaling mababantayan ng PSF Board ang status ng mga aplikante.
“Such features will help facilitate the PSF application process,” lahad niya sa 2017 Climate Change Consciousness Week (CCCW) na pinangunahan ng CCC sa Metro Manila nitong Miyerkules.
Inilunsad ng CCC ang PSF noong 2015. Ang PSF, ay isang special fund sa national treasury, para sa pagpopondo ng climate change adaptation ng mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa buong bansa.
Sinabi ni Hizon na kabilang sa PSF website ang MES, kaya madaling matutunton ng mga partido ang online system.
Naglalaan ang gobyerno sa PSF taun-taon ng aabot sa P1 bilyon, sa ilalim ng General Appropriations Act, ayon sa CCC.
Gayunman, klinaro ng komisyon na maaaring taasan ng gobyerno ang PSF o ayudahan ito sa paggamit ng mga donasyon, endowments, at iba pang pagkukunan.
Nitong nakaraang taon, inaprubahan ng PSF ang kabuuang P120 milyon para sa dalawang adaptation projects sa Mindanao.
Idineklara ng Proclamation 1667 series of 2008 ang Nobyembre 19-25 noong 2008 at sa mga sumunod na taon, bilang Global Warming and Climate Change Consciousness Week.
Kailangan ang “urgent and thoughtful participation of our citizens, as well as the collective action of private and public sectors at all levels” laban sa mga banta ng climate change, alinsunod sa Proclamation 1667.