NI: Clemen Bautista
SA ikalawang pagkakataon, muling kinilala ang pamahalaang panlalawigan ng Rizal, sa pamumuno ni Rizal Gov. Rebecca “Nini” Ynares at ginawaran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng SEAL of GOOD LOCAL GOVERNANCE (SGLG) Award 2017. Ang pagpaparangal ay ginanap sa Manila Hotel nitong Nobyembre 24, 2017. Ang pagkilala sa pamahalaang panlalawigan ay tinanggap ni Rizal Gov. Ynares. Una nang ginawaran ng SGLG Award ang Rizal noong 2016.
Bukod sa Rizal, kinilala at ginawaran din ng SGLG award ang pamahalaang Lungsod ng Antipolo at ito ay tinanggap ni Antipolo City Mayor Jun Ynares. Ito ay pangatlong pagkakataon na; ang unang SGLG ay noong 2015 at ang ikalawa naman ay noong 2016.
Sa nasabing pagkakaloob ng award, apat na munisipalidad sa Rizal ang pinagkalooban din ng DILG ng SGLG award. Ang apat na munisipalidad ay ang Angono, Binangonan, Taytay at Tanay. Ang mga award ay tinanggap nina Angono Mayor Gerry Calderon, Binangonan Mayor Engr. Cesar Ynares, at Tanay Mayor Rex Manuel Tanjuatco.
Sa panayam sa telepono ng inyong lingkod kay Rizal Gov. Ynares, sinabi niya na siya’y masayang-masaya sapagkat dahil sa pakikipagtulungan ng mga mayor sa lalawigan ng Rizal at ng pagkakaisa ng mga mamamayan, ang mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan ay naisusulong, natutupad at nagtatagumpay. Binanggit ni Gov. Ynares ang pag-aanyaya sa mga investor na nagtatayo ng mga negosyo sa lalawigan na dahil dito ay nagkakaroon ng trabaho ang mga taga-Rizal. Gayundin ang pagsuporta sa pagpapasigla ng turismo sa lalawigan na nagbibigay din income sa mga Rizalenyo. At ang patuloy na pakikipagtulungan sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
Ang pagkakaloob ng DILG ng SGLG award ay may mga batayan at pamantayan. Mababanggit na halimbawa ang maayos na pamamahala sa pananalapi o pondo ng lalawigan at mga bayan; ang disaster preparedness o kahandaan sa mga sakuna at kalamidad. May maayos na plano, social protection, pagtingin at pangangalaga sa kababaihan at mga bata at pati na ang pagtingin sa mga may kapansanan. Natutupad ang mga programa sa edukasyon at kalusugan, may business friendliness at competitiveness na number one ang Rizal. Number one din ang Antipolo sa lahat ng siyudad sa Pilipinas; number 3 ang Angono; number 2 ang Taytay at kabilang sa top ten ang Binangonan at ang Tanay.
Mababanggit din ang paglilingkod na nangangalaga at nagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan, ang pagpapaunlad sa turismo at ang puspusang pagpapatupad ng mga programa sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
Ayon naman kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, nagpapasalamat siya sa muli’t muling pagkilala ng... DILG sa Antipolo.
Aniya, patunay lamang ito na epektibo ang mga programang ipinatutupad sa lungsod at makaaasa ang mga Antipolenyo na ipagpaptuloy ni Mayor Ynares ang mga magandang nasimulan at pag-iibayuhin pa.
Matatandaang noong Agosto 16, 2017, ang Rizal, sa ikalawang pagkakataon, ay kinilala bilang Most Competitive Province sa Pilipinas sa idinaos na 5th Regional Competitive Summit sa Philippine International Convention Center. Ang nagkaloob ng pagkilala ay ang National Competitive Council at ang Department of Trade and Industry (DTI). Kinilala rin ang Antipolo City na Most Competitive Component City of the Philippines. Tatlong bayan din ang kinilalang Most Competitive Municipality of the Philippines sa kategorya ng first at second class municipalities. Nanguna ang Cainta, kasunod ang Taytay at ang Angono.