SISIMULAN ni Pope Francis ngayong Lunes ang apat na araw niyang biyahe sa Myanmar (Nobyembre 27-30) na susundan ng tatlong araw niyang paglilibot sa karatig nitong Bangladesh (Nobyembre 30 – Disyembre 2).
Hindi ito magiging pangkaraniwang pagbisita niya sa mga bansa, gaya sa Columbia nitong Setyembre, at sa Pilipinas noong 2015, kung saan sinalubong siya ng mga tuwang-tuwang tao na nangakapila sa gilid ng lansangan at nakiisa sa kabi-kabilang prayer rally na pinangunahan niya. Ang Myanmar ay isang bansang Buddhist, habang ang Bangladesh ay Muslim, dalawang bansa na nagkataong nasa mga balita kamakailan dahil sa paglikas ng Rohingya refugees sa Bangladesh upang makaiwas sa pag-uusig ng Myanmar.
Sa nakalipas na mga taon, nasa 600,000 Rohingya ang lumikas mula sa kanilang komunidad sa hilagang estado ng Rakhine sa harap na rin ng maraming pagpatay, panggagahasa, at pananakot na umano’y dulot ng militar ng Myanmar. Inilarawan ng United Nations High Commissioner for Human Rights ang nasabing pagkilos ng sandatahan ng gobyerno, kasama ang mga armadong Rakhine Buddhists, bilang “a textbook case of ethnic cleansing” na layuning itaboy ang mga Rohingya paalis sa Myanmar. Itinuturing ng pamahalaan at ng mamamayan ng Myanmar ang mga Rohingya bilang mga dayuhan — mga Bengal — at sinasabing nais ng mga mandirigmang Muslim na angkin ang saganang sakahan ng mga lokal na mamamayang Buddhist.
Sa gitna ng karahasang ito ay magbibiyahe ngayon si Pope Francis, bagamat ayon kay Cardinal Charles Maung Bo, magtutungo lamang ang Santo Papa sa kabiserang Nay Pyi Taw at sa Yangon (Rangoon). “The places the Holy Father will visit are peaceful. There is no reason to fear for his security,” pagtitiyak ng cardinal, na arsobispo sa Yangon.
Subalit magtutungo si Pope Francis sa Myanmar hindi upang bisitahin lamang ang kakaunting populasyon ng mga Katoliko sa bansa na nasa 700,000 lamang sa kabuuang 51.4 na milyong mamamayan nito. Matagal na siyang umaapela sa mundo para sa kapakanan ng refugees at partikular na nanawagan tungkol sa kalagayan ng mga Muslim na Rohingya. Tiyak nang muli siyang mananawagan para sa kanila sa pagbisita niyang ito.
Marahil ay ligtas nga siya sa pagharap niya sa mga opisyal at sa military ng Myanmar, na itatangging may nangyayaring ethnic cleansing. Subalit may mga pangamba na kapag nagsalita siya laban sa pang-uusig sa mga Rohingya — na tiyak namang gagawin niya — ay higit pang lumubha ang pang-uusig sa mga lokal na Kristiyano.
Susubaybayan ng mundo ang pagbiyahe ni Pope Francis sa Myanmar ngayon para sa isang naiibang pilgrimage. Kukumustahin niya ang mga Kristiyano sa Myanmar, subalit aapela rin sa mga pinuno ng naturang bansa para sa mga Rohingya, lalo at walang kahit sino na nananawagan para sa kanilang kinasasapitan.