Ni ROBERT R. REQUINTINA
ILANG araw bago kinoronahang Miss Universe si Amparo Muñoz sa Folk Arts Theater sa Pasay City noong Hulyo 19,1974, nakaramdam ng pangungulila ang Spanish beauty queen at gabi-gabing umiiyak.
“She missed her boyfriend so much! I think he was an actor in Spain. She would always wait for his phone call. And if he would not call her, she would cry,” kuwento ni Pilar Aldanese, na naging interpreter ni Amparo at ni Miss Nicaragua Fanny Tapia noon, sa isang eksklusibong panayam sa Pontefino Estates sa Batangas City kamakailan.
“She’s in love with a famous actor then,” dagdag pa ni Aldanese. “It’s really different when you’re in love.” Hindi tinukoy ng interpreter ang pangalan ng aktor.
Kapag nalulungkot si Amparo, lagi nitong ipinapaalala sa sarili ang Miss Universe pageant. “Remember, you are here for your country.”
Ayon kay Aldanese, si Amparo ay isang maganda at mabuting tao, kabaligtaran ng mga ulat na mainitin ang ulo at masama ang ugali nito. “We became friends back then. But when she left, we already lost contact.”
Nang mga panahong iyon, nagdalawang–isip si Aldanese na maging translator para sa dalawang beauty queens. “The Spanish embassy was freaking out because the pageant was coming and they needed interpreters. First they assigned Miss Nicaragua to me and then Miss Spain.”
Pero sinabi ni Aldanese na wala siyang magagawa kundi tanggapin ang dalawang kandidata dahil kulang sa mga interpreter ang Manila noong early 1970s.
Inilahad ni Aldanese na lagi niyang sinasabihan si Amparo na ngumiti, kumaway sa publiko at maging mabait sa lahat. “Whether you like it or not, smile! And she would follow. She would listen to me and she would say ‘okay.’ “
“You know, you have to understand her. She was very young when she competed in Miss Universe. The pageant was a new experience to her. You just have to explain everything to her,” aniya.
Sinabi rin ni Aldanese, na nagtrabaho sa Spanish embassy sa loob ng 36 na taon, na pawang mababait ang lahat ng mga kandidata sa 1974 Miss Universe pageant. “You could sense that there were no rivalries among the girls in those days unlike today.”
Makasaysayan ang 1974 Miss Universe, dahil iyon ang kauna-unahang pagdaraos sa Asya ng pretihiyosong patimpalak. Iyon din ang unang pagkakataon na idinaos ito sa Manila. “It was very organized. And there were so many people in the streets during parades.”
Pagkaraan ng ilang linggo simula nang koronahan sa Manila, naging maayos ang lahat para kay Amparo. Ngunit napakabilis ng kanyang termino na magkahalong tamis at pait dahil pagkaraan ng anim na buwan, isinuko niya ang kanyang korona.
Napilitan magbitiw si Amparo dahil hindi niya umano nagagampanan ang mga tungkulin bilang Miss Universe. Nang panahong iyon, tumanggi umanong pumunta ng Japan si Amparo. Ang kanyang korona, gayunman, ay hindi ibinigay kay Miss Wales Helen Morgan, ang first runner-up noon. Sa iba pang ulat, sinabing boluntaryong nagbitiw si Amparo.
Sa ngayon, si Amparo pa lamang ang una at tanging Miss Universe ng Spain simula nang umpisahan ang patimpalak noong 1952. Nagwagi bilang first runner-up ang Spain noong 1985 at 2013.
Pangalawa si Amparo na Miss Universe na hindi nakatapos ng termino. Ang una ay si Armi Kuusela ng Finland, na isinuko ang korona, wala pang isang taon, upang magpakasal sa negosyanteng Pilipinong si Virgilio Hilario.
Pansamantalang nanirahan si Amparo sa Manila ngunit nasangkot sa gulo ng kanyang talent manager na si Natalie Palanca sa shooting ng pelikulang Hayop sa Ganda kasama si 1969 Miss Universe Gloria Diaz noong 1983.
Nagdesisyon ang beauty queen na bumalik sa Spain, at doon nagpatuloy sa paggawa ng mga pelikula. Tatlong beses din siyang ikinasal. At nalulong sa droga, ayon sa mga ulat. Noong 2005, sumulat siya ng kanyang tell-all memoir na may titulong Life is the Price.
Kapiling ang kanyang pamilya, pumanaw si Amparo sa kanyang bahay sa Malaga noong Pebrero 27, 2011, sa edad na 56.
May mga usap-usapan na ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay dahil sa AIDS at Parkinson’s disease. Hanggang ngayon, hindi pa rin isinasapubliko ang dahilan ng kanyang pagkamatay.