Ni FER TABOY

Napatay ang isang operatiba ng Philippine National Police (PNP) at 10 iba pa ang nasugatan sa pananambang ng New People’s Army (NPA) sa Maasin, Iloilo nitong Biyernes ng gabi.

Nagsasagawa ngayon ng clearing operation ang militar sa pinangyarihan ng pananambang ng mga rebelde sa mga tauhan ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) sa bayan ng Maasin.

Ayon sa report ni Senior Insp. Felix Alianza, hepe ng Maasin Municipal Police, nangyari ang pananambang dakong 8:00 ng gabi sa Barangay Bolo sa Maasin.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Senior Insp. Alianza na nasa 37 pulis ang sakay sa dalawang police truck na pauwi na galing sa Bgy. Dagami nang pasabugan ang mga ito ng improvised explosive device (IED) sa Bgy. Bolo.

Nagkaroon ng engkuwentro nang makipagbarilan ang mga pulis, hanggang sa umurong ang mga rebelde.

Kinilala ang nasawi na si PO1 Joeffel Odon, 31, ng Bgy. Poblacion Ilawod sa Cabatuan, Iloilo.

Isinugod naman sa ospital ang 10 sugatang operatiba ng RPSB na kinilalang sina Insp. Joy Melvin Dulce, PO3 Jose Bana-ay, PO1 Delby Bachiller, PO1 Rolando Lozada, PO1 Vincent Yasay, PO1 Ray Ansag, PO1 Rolly Talento, PO1 Kim Cornel, PO1 Kenneth Delejero, at PO1 Paul John Banquillo.

Matatandaang Hunyo 18 ngayong taon nang salakayin ng NPA ang himpilan ng Maasin Police, dinisarmahan ang mga pulis doon at tinangay ang maraming armas.

Nangyari ang ambush sa Maasin dalawang araw makaraang umatake ang NPA sa Sibalom, Antique na ikinasugat ng tatlong pulis.

May ulat ni Tara Yap