ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, isa sa mga positibong bunga ng ASEAN Summit noong nakaraang linggo ay ang paglagda ng mga lider ng 11 member-states sa “ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers”. Sa pagpirma sa dokumentong ito, nagtaya silang isusulong nila ang kapakanan ng mga manggagawa mula sa ibang bayan, na pinagtitibay naman sa “ASEAN Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers” na binuô noong 2007.
Anu-ano ang isinasaad sa deklarasyong iyon?
Una ay ang patas na pagtrato sa migrant workers anuman ang kanilang kasarian o nasyonalidad. Ikalawa ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga migrant worker na mabisita sila ng kanilang pamilya. Ikatlo ay ang pagbabawal sa pagkumpiska sa pasaporte at paniningil ng mahal na placement o recruitment fees. Ikaapat ay ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga migrant workers laban sa karahasan at seksuwal na pang-aabuso sa trabaho. Ikalima ay ang pagbabantay sa mga recruiter. At panghuli ay ang pagkilala sa karapatan sa patas at wastong bayad para sa serbisyo ng mga manggagawa, gayundin sa karapatang umanib sa mga unyon at asosasyon.
May ganito mang kasunduan o wala, mahalagang tinitiyak ng ating pamahalaan na hindi nalalabag ang mga karapatan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa, hindi lamang dahil malaki ang ambag sa ating ekonomiya ng kanilang mga remittance kundi dahil sila ay mga mamamayan ng ating bansa at mga taong may dignidad.
Halimbawa, may mga kababayan tayong hindi dokumentado at lumabag sa batas ng bansang kanilang dinayo. Gaya na lamang ni Mary Jane Veloso, isang inang nais lamang bigyan nang maginhawang buhay ang kanyang pamilya, ngunit naloko ng mga illegal recruiter na sindikato pala ng droga. Nahulihan siyang may dalang heroin sa airport sa Indonesia at napatawan doon ng parusang kamatayan.
Malinaw na biktima ng trafficking si Mary Jane. Sinubukan ng nakaraang administrasyon na iligtas siya sa death row kaya ilang beses naantala ang pagbitay sa kanya. Ngunit tahimik ang kasalukuyang administrasyon sa kaso ni Mary Jane. Minsan nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makakaasa ng tulong mula sa pamahalaan ang sinumang OFW na may kasong may kaugnayan sa droga dahil galit daw siya sa droga. Mukhang ganoon na lamang katindi ang galit ng Pangulo sa droga, na hindi na niya nakikitang posibleng maisalba pa ang buhay ni Mary Jane at iba pang Pilipinong inosente at maaaring naloko lamang. Sa pagpirma sa consensus, magbago kaya ang pananaw na ito ni Pangulong Duterte?
Sa panahon ng globalisasyon kung saan kailangan ng mga bansa ang isa’t isa para sa mga manggagawa, hindi maiiwasan ang pagtungo ng mga tao sa ibang bayan para maghanap-buhay. Kaya malaking hamon sa mga pamahalaang tiyaking nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga mamamayang nagtatrabaho sa ibang bansa, gayundin ang kalagayan ng mga dayuhang manggagawa. Sa kaso po natin, mas malaki ang hamong tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong kumakayod sa ibang bansa, kabilang ang mga nakalabag sa batas ng ibang bayan. Tungkulin ng pamahalaang bigyan sila ng mahusay na suportang legal, maayos na pagsubaybay sa kanilang kaso, at tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa pamilyang nasa Pilipinas—lahat ng ito ay bahagi ng karapatan ng mga migrant worker na isinusulong ng ASEAN.
Maganda ang layunin ng deklarasyon at ng consensus, at umaasa tayong hindi ito mauuwi lamang sa isang pirasong papel. Bantayan natin ang gagawing plan of action kung saan iisa-isahin ng mga kasapi ng ASEAN ang mga hakbang upang maisakatuparan ang layunin ng consensus. Magandang paalala ang sinabi ni St. John XXIII tungkol sa mga migrant workers: Hindi dapat hadlang ang pagiging mamamayan ng isang tao ng isang bansa upang maging bahagi ng pagiging pamilya nating lahat at ng pandaigdigang pamayanan.[3]
Sumainyo ang katotohanan.