Ni ANTHONY GIRON
CAMP GEN. PANTALEON GARCIA, Imus, Cavite -- Hindi nawawala ang dating miyembro ng HashT5 na si Xander Ford.
Kinumpirma ito ng lokal na pulisya, mula sa pamilya ng online sensation sa kanilang tirahan sa Sunny Brooke II Subdivision sa General Trias City, sa 6th District ng lalawigan.
Sinabi ng tagapagsalita ng Cavite Police Provincial Police Office na si Superintendent Janet Arinabo, ayon sa report ni Superintendent Jay Tafalla, General Trias police officer-in-charge, na inihayag ng kapatid nitong si Nathaniel Banto, na ang balitang nawawala umano si Ford ay “fake.”
“According to Mr. Nathaniel Banto, a brother, the reports that Ford was missing were fake,” lahad ni Arinabo sa mga mamahayag.
Umusbong ang mga balitang nawawala si Ford nitong Biyernes, kaya isang grupo mula sa San Francisco, General Trias police outpost ang nagpunta sa kanyang tirahan.
Itinanggi rin ni Ford mismo sa kanyang Facebook video post na hindi siya nawawala, at sinabing napagod lang siya at nais lamang magpahinga.
Si Ford, kilala rin bilang si Marlou Arizala, ay iniulat na nawawala sa kanyang bahay ganap na 12:00 ng gabi nitong Biyernes. Sa isang online post, iniulat ng isang nagngangalang “Emz” na si Ford ay nasa Paliparan, Dasmarinas, Cavite. Inihayag naman ng talent agency na may hawak kay Ford na kailangan nitong kanselahin ang dalawang event dahil nawala umano si Ford.