DALAWANG paraan ang pagkilos ng pamahalaan upang maresolba ang problema sa Metro Rail Transit (MRT), na patuloy na tumitirik, at nagdudulot ng matinding perhuwisyo sa libu-libong pasahero na araw-araw na nahaharap sa hindi birong panganib sa kanilang kaligtasan kasunod ng aksidente kamakailan na nagresulta sa pagkakaputol ng braso ng isang babaeng pasahero.
Nitong Martes, naghain ng kasong plunder ang Department of Transportation (DOTr) laban sa siyam na opisyal ng Gabinete ng dating administrasyong Aquino, sa pangunguna ni Joseph Abaya ng Department of Transportation and Communication, at ni Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government, kasama ng iba pang mga opisyal.
Isang araw bago ito, naghain ng reklamo ang DOTr laban kay Abaya kaugnay ng multi-bilyon pisong maintenance contract na pinasok ng pamahalaan kasama ang Busan Universal Rail, Inc. (BURI). Pinalitan ng katatatag lang na BURI ang kumpanyang Japanese na Sumitomo Corp., na nagdisenyo, nagbuo, at nagmantine ng MRT-3 system sa loob ng 12 taon.
Bukod sa pagpupursigeng ito na matukoy ang pananagutan at maparusahan ang mga responsable sa lahat ng problemang patuloy na gumigiyagis sa MRT hanggang ngayon, pinagsisikapan din ng gobyerno na tuldukan na ang serye ng aberya sa serbisyo ng MRT. Ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang kumalas ang isang bagon mula sa tren na patungong hilaga, at mahigit 100 pasahero ang napilitang maglakad sa riles pabalik sa Ayala Station. Sabotahe ang hinala ng pamahalaan at iniimbestigahan na ito ng National Bureau of Investigation (NBI). Sakaling totoo man na may pananabotahe o simpleng kapalpakan lang sa pangangasiwa ng maintenance, ang nasabing insidente ang bago sa napakahabang listahan ng mga aberya sa MRT sa nakalipas na mga taon.
Dahil dito, iminungkahi ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng MRT habang isinasailalim ito sa rehabilitasyon, subalit tinanggihan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang anumang planong suspendihin ang biyahe ng MRT na inaasahan ng mahigit 500,000 pasahero araw-araw. Sinabi ni MRT Corporation President Frederick Parayno na nakatanggap siya ng alok mula sa kumpanyang Japanese na Sumitomo, ang orihinal na bumuo at nagmantine sa MRT, na pinalitan ng nakalipas na administrasyon.
Kabilang sa alok ang kumpletong pagkukumpuni sa 73 tren ng MRT, rehabilitasyon ng buong line, power, at signaling systems, pagpapalit sa mga sirang riles, pagbili ng mga bagong spare parts nito, at pagsasailalim sa rehabilitasyon sa mga pasilidad sa mga istasyon, kabilang ang mga elevator at escalator.
Positibo ang dating nito para sa mga nangangambang pasahero ng MRT na ilang taon nang nagtitiis sa mahabang pila sa mga istasyon ng MRT sa Metro Manila. Higit pa sa mapanagot ang mga dating opisyal sa mga kasong plunder at graft, hangad ng mga pasahero ang mas maayos na serbisyo na tuluyan nang magbibigay-tuldok sa paulit-ulit na aberya at naperhuwisyong biyahe at sa takot sa mga seryosong aksidente na hindi malayong bigla na lamang mangyari.