ni Clemen Bautista
NGAYONG huling Linggo ng Nobyembre natatapos ang liturgical calendar ng Simbahan at pagdiriwang naman ng Christ the King o Kristong Hari. Ang araw na ito ang itinakda ng Simbahang Katoliko bilang paggunita sa kataas-taasang Kapangyarihan ni Kristo sa lahat ng nilalang ng Diyos. Bahagi ng pagdiriwang ang pagdaraos ng Misa sa mga simbahan sa mga parokya. Susundan ng prusisyon at pagkatapos ay ang exposition ng Blessed Sacrament.
Ang Linggo ng Kristong Hari ay ang araw ng masayang pagdiriwang para sa hindi mailarawang kagalakan at pasasalamat sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa lahat.
Noon, tuwing huling Linggo ng Oktubre ang araw ng pagdiriwang ng Kristong Hari, ngunit pinalitan ito bunga ng mga reporma sa liturgical calendar ng Simbahan noong 1969.
May pag-aalay din ng mga panalangin upang pasalamatan at dakilain si Kristo bilang Hari ng mga hari. Panginoon ng mga panginoon at Hari ng pag-ibig, katarungan at kapayapaan. Ang pagdiriwang ay sumasagisag din kay Jesus bilang Hari, Mesiyas at pinakamakapangyarihang pinuno na hindi malulupig ng mga haring secular, kundi napananatili ang Kanyang papel bilang mapagkumbabang lingkod na nag-aatas sa Kanyang mga tagasunod na maglingkod din.
Sa aklat ng mga Hebreo, ang Pista ng Kristong Hari ay ang paglalarawan sa pagdating ng Mesiyas o Manunubos. Ang mga propeta rin ang nagsabi na ang magiging hari ay nasa lipi ni David at ang Dakilang Mesiyas ang maghahari sa sandaigdigan. Makatwiran at maghahatid ng kasiyahan sa lahat ng susunod sa utos ng Panginoon.
Noong unang Milenyo, ang imahe ni Kristo bilang Hari ay kinilala na rin nang manalig kay Kristo ang mga Emperador Romano. Ang mga Griyego naman ay pinagbayo ang pagkilala kay Kristo sa pamamagitan ng masining o artistikong larawan o imahe ni Hesukristo na isang “Pantocrator” o tagapag-utos ng buong mundo.
Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay binigyan ng pagkilala ni Pope Pius Xl noong Disyembre 1, 1925 na may layunin na hadlangan ang paglaganap ng Ateismo sa daigdig at ang pag-usbong ng mga gobyernong walang kinikilalang Diyos.
Sa France, ipinagdiriwang ang Pista ng Kristong Hari a pamamagitan ng pagkakaisa laban sa mga anti-Kristo.
Ayon pa rin sa kasaysayan, ang bansag na “Hari” ng mga Hudyo, na isinulat sa kapirasong karton at inilagay sa itaas ng krus habang si Kristo ay nakapako, ay nangangahulugan ng pangungutya. Isang paghamak hindi lamang kay Kristo kundi sa kabuuan ng bansang Hudyo.
Gayunman, sa kabila ng maling layunin, ang taguring “Hari” sa isang taong naghihirap na nakapako sa krus ay karapatdapat sapagkat si Kristo ay Hari na noon hanggang ngayon. ISNILANG siyang Hari sa lahat ng panahon--ang Bugtong na Anak ng walang hanggang Hari ng sanlibutan.
Kung sa ibabaw ng lupa ay natatapat na tawaging Hari, bukod sa Diyos Ama, ito ay ang Kanyang Anak na naging tao at lalong nakilala sa tawag na Jesus ng Nazareth. Isang tunay na hari sa pangalan at katotohanan. Ngunit ang Kanyang kaharian ay hindi tulad ng pananakop sa daigdig na ito. Ang Kanyang kaharian ay nasa puso ng mga tao. At ang mga nagmamahal at nagtitiwala sa Kanya ang maaaring kabilang dito.
Sa pagdiriwang naman ng mga Pilipinong Kristiyanong Katoliko sa Kapistahan ng Kristong Hari, kaugnay nito ang pananagutan sa pakikipaglaban sa mahalagang pagbabago ng isang tao at ng sistemang panlipunan na makatarungan.