AABOT sa 215 pasyente ang nakatanggap ng libreng konsultasyon sa sakit sa balat at libreng gamot sa isinagawang health caravan sa Barangay Pasong Kawayan 1 sa Trece Martirez sa Cavite.
Ang mga pasyenteng mayroong scabies, athlete’s foot, psoriasis, eczema, ringworm at iba pang fungal infections, pati ang leprosy, ay ginamot ng mga nagboluntaryong doktor, nurse, at technical staff mula sa Provincial Health Office at sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.
Pinangunahan ni Cavite Board Member at Philippine Councilors’ League President Kerby Salazar ang event kasama ang Provincial Health Office at ang General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital bilang paggunita sa “National Skin Disease Detection and Prevention Week”.
Ang National Skin Disease Detection and Prevention Week ay ginaganap tuwing ikalawang linggo ng Nobyembre, alinsunod sa Proclamation No. 110, na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagkaroon din ng talakayan sa nasabing health caravan, na pinamunuan ni Cristina Anne Buenaagua, regional director ng National Leprosy Control Program, upang imulat ang publiko tungkol sa importansiya ng pagsusuri sa sarili laban sa anumang pagbabago ng balat o sintomas ng karamdaman, at ng sapat na pangangalaga sa balat upang makaiwas sa mga sakit. - PNA