Golden State Warriors' Stephen Curry, center, and New Orleans Pelicans guard Jameer Nelson, right, chase a loose ball during the first half of an NBA basketball game Saturday, Nov. 25, 2017, in Oakland, Calif. (AP Photo/Ben Margot)

OAKLAND, California (AP) — Nanatiling nasa bench si Kevin Durant bunsod ng injury sa paa. Walang problema para sa Golden State Warriors.

Kumamada si Stephen Curry ng 27 puntos, tampok ang 14 sa third period para makabawi mula sa malamyang 0-for-10, habang kumana si Klay Thompson ng 24 puntos para gibain ang New Orleans Pelicans, 110-95, nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Halos 24 na oras ang nakalipas nang itumpok ang 33 puntos sa dominanteng panalo sa Chicago Bulls, inalat ang two-time MVP sa unang bahagi ng laro bago nakadale sa 5 of 9 tampok ang dalawang three-pointer bago ang halftime.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nag-ambag si Draymond Green ng anim na puntos, pitong rebounds at walong assists, habang kumubra si Andre Iguodala ng 14 puntos para sa Warriors.

Nanguna sa Pelicans si Anthony Davis na may 30 puntos at 15 rebounds, habang nagsalansan sina Jrue Holiday at DeMarcus Cousins ng 24 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

CELTICS 108, PACERS 98

Sa Indianapolis, ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna nina Kyrie Irving na may 25 puntos at Al Horford na may 21 puntos, ang Indiana Pacers.

Iniwan ng Boston (18-3) ang Indiana sa 37-16 sa third quarter para palobohin ang bentahe sa 82-70 papasok sa final period.

Kumubra si Marcus Smart ng 15 puntos at anim na rebounds para sa Celtics, habang tumipa si Terry Rozier ng 17 puntos mula sa bench.

Nanguna sa Pacers (11-9) si Myles Turner na may 19 puntos, habang humugot si Lance Stephenson ng 16 puntos at walong rebounds, at si Damontas Sabonis na may 17 puntos at walong boards.

MAVS 97, THUNDER 81

Sa Dallas, ginulantang ng Mavericks ang Oklahoma City Thunder sa pangunguna ni Dirk Nowitzki na may season-high 19 puntos.

Matapos ang impresibong pagbalikwas mula sa 15-puntos na bentahe para magapi ang Detroit ng isang puntos at malaking panalo sa Golden State, walang dating ang Thunder laban sa biglang birit na Mavericks.

Tumipa si Russell Westbrook ng 28 puntos, 12 rebounds at siyam na assists para sa Thunder, habang kumana si Carmelo Anthony ng 16 puntos at nalimitahan si Paul George sa 1-of-12 shooting.

Sa iba pang laro, naisalpak ni Blake Griffin ang 10-foot jumper may 3.2 segundo sa laro para sa season-high 33 puntos at gabayan ang Los Angeles Clippers kontra Sacramento Kings, 97-95; pinasabog ng Houston Rockets ang New York, 117-102; naungusan ang Portland Trailblazers ang Washington Wizards, 108-105; ginapi ng San Antonio Spurs ang Charlotte Hornets, 106-86; pinabagsak ng Toronto Raptors ang Atlanta Hawks, 112-78, at pinadapa ng Philadelphia 76ers ang Orlando Magic, 130-111.