Ni MARY ANN SANTIAGO

ISANG indie actor ang nahaharap sa kasong pagpatay nang bawian ng buhay sa pagamutan ang isang office supervisor na binugbog nito sa loob ng isang supermarket sa San Mateo, Rizal nitong Miyerkules ng gabi matapos akusahang hinipuan ang kanyang live-in partner.

Una nang inaresto at sinampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek na si Eugene Tejada, 29, residente ng 20 Vancouver Filinvest 1, Batasan Hills, Quezon City nang iturong siyang nambugbog sa biktimang si Frenil Bautista, 44, administrative supervisor ng Beta Equipment Sales Corp, noong Nobyembre 22, dakong 6:30 ng gabi sa loob ng palikuran ng isang kilalang supermarket sa Banaba, San Mateo, Rizal.

Gayunman, itinaas ang kanyang kaso sa murder nang tuluyan nang bawian ng buhay sa pagamutan si Bautista kamakalawa ng gabi.

Tsika at Intriga

Andrea, aminadong may mga 'nagpaparamdam' manligaw pero nililigwak

Sa ulat ng San Mateo Police Station, nabatid na nag-ugat ang pambubugbog sa biktima nang akusahan ni May Jana Malilin, kinakasama ni Tejada, ang biktima ng panghihipo sa kanya sa loob ng grocery.

Dahil dito, walang awa umanong binugbog ng suspek ang biktima na nagresulta sa pagkadurog ng bungo nito at pagka-comatose sa pagamutan.

Matapos ang insidente ay kapwa dinala sa istasyon ng San Mateo Police ang dalawa ngunit nakitaan ng palatandaan ng malubhang pinsala sa utak ang biktima kaya isinugod ito sa pagamutan kung saan siya na-comatose dahil sa pagkadurog ng bungo.

Kinailangan pa ng mga doctor ng Marikina Valley Medical Center na alisin ang isang bahagi ng bungo ng biktima upang maalis ang namuong dugo sa ulo.

Pagkaraan ng dalawang araw na coma ay tuluyan nang binawian ng buhay si Bautista.

Mariing pinabulaanan ng pamilya ni Bautista na hinipuan nito si Malilin dahil wala umano sa karakter ng biktima na gumawa ng ganoong kabastusan, dahil sa pagiging mabait nito, at mahinahong magsalita.

Ayon pa sa kanila, ang biktima ay may diabetes at high-blood pressure at madalas itong mahilo o ma-disorient sa ilang pagkakataon, na maaari anilang siyang nangyari nang akalain ni Malilin na hinipuan siya nito.

“Na-misinterpret n’ya (Malilin) siguro na hinipuan sya,” ani Fernan Marasigan, bayaw ng biktima.  “I swear to my father’s grave. Hinding-hindi niya magagawa ang mangbastos ng babae. Binata pa lang ‘yan kilala ko na ‘yan. Sobrang bait. Sobrang tahimik at disenteng tao. Hindi ko pa nakitang nagalit ‘yan o nagmura o sumimangot.”

Inamin naman ni Tejada ang pambubugbog at idinahilang ipinagtanggol lamang niya ang kinakasama.

Nabatid na si Tejada ay isang indie actor na nakalabas na rin sa ilang sexually-oriented at low-budgeted indie films.