Binalaan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko laban sa pagbili ng gamot, partikular ng antibiotic, sa mga sari-sari store.

Ang babala ay ginawa ni Duque kasabay ng paalala niya kontra sa self-medication o panggagamot sa sarili, at antibiotic resistance, kaugnay ng kasunduan ng mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) laban sa anti-microbial resistance (AMR).

Ayon kay Duque, hindi dapat bumili ng antibiotics sa mga sari-sari store, na hindi awtorisadong magtinda nito.

Sa halip, aniya, ay dapat na isumbong sa mga awtoridad ang mga tindahan na nagbebenta ng antibiotics, dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng batas, ayon sa kalihim.

Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court

Paliwanag ni Duque, hindi tamang umiinom ng antibiotic nang walang reseta ng doktor.

Nauna rito, inilunsad ng Department of Health (DoH) ang National Antibiotic Guidelines, kaugnay ng paglagda ng AMR ng mga pinuno ng ASEAN sa sidelines ng katatapos na 31st ASEAN Summit sa bansa.

“Ito ay kasunduan sa magkabilang panig ang ASEAN kung saan signatory ang Pilipinas sa AMR... na dapat na siguraduhin ng mga gobyerno, at lalo na ng departments of health ng ASEAN, na ang paggamit ng antibiotic, hindi ‘yan basta-basta,” sinabi ni Duque nang kapanayamin sa radyo. “Kaya ang babala sa ating mga kababayan na ‘wag basta basta iinom ng mga antibiotic dahil malaki ang implikasyon niyan sa inyong kalagayan, lalo na kung nagkaroon kayo ng impeksiyon.”

Ang AMR ay ang hindi na pagtalab ng antibiotic sa katawan na nasanay sa maling pag-inom nito. - Mary Ann Santiago