Ni Argyll Cyrus B. Geducos, at ulat ni Fer Taboy

Matapos ang ilang linggong pagpapahaging, pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang Proclamation No. 360, ang opisyal na pagtatapos sa pakikipag-usap ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) para sa kapayapaan.

Naganap ito pagkatapos ng announcement ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na ang pormal na negosasyon ay opisyal nang kinansela kasunod ng pahayag ni Duterte na ang mga komunista ay itinuturing na ngang mga terorista at kriminal.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nilagdaan na ni Duterte ang naturang proklamasyon nitong Huwebes ng hapon, hindi pa lumilipas ang 24 oras simula nang sabihin ng Pangulo na mag-uutos siya para arestuhin ang non-armed legal fronts dahil sa pakikipagkutsabahan sa pagsasagawa ng terorismo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Si Duterte, ayon kay Roque, ay nag-utos din sa Government of the Republic of the Philippines (GRP) Panel for Peace Talks na nakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF na kanselahin na ang peace talks at pakikipagpulong sa mga rebeldeng komunista.

“While we agreed to resume peace talks with the aforementioned group and exerted our best efforts to accelerate the signing and implementation of the final peace agreement, the NDF-CPP-NPA has engaged in acts of violence and hostilities,” sabi ni Roque sa isang statement nitong Huwebes ng gabi.

“We find it unfortunate that their members have failed to show their sincerity and commitment in pursuing genuine and meaningful peaceful negotiations,” dagdag niya.

Ayon kay Roque, sa kabila ng pagkasela sa pag-uusap, umaasa pa rin si Duterte na matatamo ang kapayapaan kahit hindi na ito ang nakaupo, at ipinababahala na ito sa kagustuhan ng Diyos.

Nagsimulang pumait ang ugnayan ni Duterte at ng mga komunistang rebelde noong Pebrero nang ipahayag ng NPA ang pagbawi sa unilateral ceasefire at naglunsad ng ambush na ikinamatay ng tatlong sundalo sa Bukidnon.

“I told the soldiers to prepare for a long war. I said it will not come during our generation. I know them already,” sabi ni Duterte noong Pebrero.

Samantala, binuweltahan kahapon ng CPP si Pangulong Duterte at ipinag-utos ni CPP founding Chairman Jose Maria Sison sa buong puwersa ng NPA na paigtingin ang opensiba laban sa pamahalaan.

Pinaratangan ni Sison si Pangulong Duterte na numero unong terorista sa pagsasagawa nito ng maramihang pagpatay ng mga inosenteng sibilyan dahil sa war on drugs.

Inalerto naman ng pulisya at militar ang lahat ng unit at himpilan nito kaugnay ng pagpapaigting ng NPA ng opensiba.